Benosa bagong Commissioner ng Season 81 UAAP volleyball
MANILA, Philippines – Hinirang ng University Athletic Association of the Philippines ang bagong Commissioner para sa Season 81 volleyball tournament.
Iniluklok ng host school National University si international referee Yul Benosa bilang Commissioner para sa men’s at women’s volleyball na hahataw ngayong hapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Isang international volleyball referee sapul noong 2009, pinamahalaan ni Benosa ang mga bigating torneo kagaya ng Asian Men’s Club Championships noong 2014 sa Manila at ang ASEAN University Games sa Singapore noong 2016.
Ang tubong Sison, Pangasinan na si Benosa ay naging chief referee ng UAAP simula noong 2008 hanggang 2018.
Si Benosa ay nagsilbi ring assistant tournament manager ng mga Palarong Pambansa volleyball tournaments sapul noong 2012.
Siya rin ang coaching clinician at volleyball event organizer para sa Philippine Volleyball Federation at nagtuturo sa senior high sa Pasay City North High School-Tramo Campus.
Nakatulong si Benosa sa paghahari ng University of Santo Tomas Tigers sa UAAP noong 1989 hanggang 1991.
- Latest