ROS lalapit sa twice-to-beat
Russell Cadayona (Pang-masa) - February 13, 2019 - 12:00am

MANILA, Philippines — Nakatiyak na ng playoff seat, susubukan naman ng Rain or Shine na makalapit sa mahalagang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round ng 2019 PBA Philippine Cup.

Pupuntiryahin ng Elasto Painters ang kanilang pang-limang sunod na panalo sa pagsagupa sa minamalas na Magnolia Hotshots ngayong alas-7 ng gabi matapos ang upakan ng Alaska Aces at Blackwater Elite sa alas-4:30 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Makaraang mabigo sa Blackwater, 99-111 noong Enero 30 ay magkakasunod na pinatumba ng Rain or Shine ang nagdedepensang San Miguel, 108-98; Alas­ka, 85-72; NorthPort, 107-100; at Phoenix, 98-94; para tuluyang angkinin ang solong pamumuno sa torneo bitbit ang 6-1 baraha.

Nakalasap naman ang Magnolia, nagkampeon sa nakaraang 2018 PBA Governor’s Cup ng 75-80 kabiguan sa TNT Katropa at 92-113 pagkatalo sa San Miguel.

Sa kabila ng 0-2 marka ng Hotshots ay hindi ma­aaring magkumpiyansa ang Elasto Painters, ayon kay head coach Caloy Garcia.

“They became rusty lalo na at kababalik lang nila sa laro. Pero gagaling at gagaling ulit iyan. Baka magaling na sila ulit by the time we play them,” wika ni Garcia sa koponan ni mentor Chito Victolero.

Wala namang dahilan si Victolero para mag-alala sa kanilang kampanya.

“There’s no cause for alarm. We just have to play our game and take it one game at a time,” wika ni Vic­tolero sa kanyang Magnolia, tinalo ang Alaska sa championship series ng 2018 PBA Governor’s Cup.

Sa unang laro, target ng Aces ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos talunin ang Columbian Dyip, 94-72, habang pilit namang babangon ang Elite mula sa nalasap na 67-85 pagkatalo sa Ginebra Gin Kings noong Sabado sa Davao City.

“Kailangan ngayon patunayan namin na may ibubuga kami at saka may maitutulong kami sa team,” sabi ni forward Jake Pascual, humakot ng 13 points at career-high 13 rebounds sa panalo ng Alaska laban sa Columbian. “Ganoon naman ang sistema namin sa Alaska, kung baga tulungan kami para makuha ‘yung panalo.”

PBA PHILIPPINE CUP
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with