Tumira si Kevin Durant ng Golden State laban kay Bam Adebayo ng Miami.
Golden state lusot sa Miami
(Pang-masa) - February 12, 2019 - 12:00am

OAKLAND, California — May dapat ipagpasa-lamat ang Golden State Warriors kay Kevin Durant.

Nagsalpak si Durant ng 39 points habang nakumpleto ni DeMarcus Cousins ang dalawang free throws sa huling 5.4 segundo para sa 120-118 paglusot ng Warriors kontra sa Miami Heat.

“They made shots, they were excited to play against us. We treated it like it was a Sunday walk in the park,” wika ni Durant. “After a while we just locked in.”

Bumangon ang Golden State mula sa 19-point deficit para takasan ang Miami.

Hinablot ni Cousins ang mintis na three-pointer ni Durant at nakakuha ng foul para sa kanyang game winning free throws na nagbigay sa Warriors ng kanilang ika-11 double-digit comeback ngayong season.

Ito ang ikalawang sunod na laro na nakabawi ang Golden State matapos makabangon mula sa 17-point deficit kontra sa Phoenix Suns noong Biyernes.

Ang 3-pointer ni Justise Winslow ang nagtabla sa Heat kasunod ang dalawang sunod na basket nina Josh Richardson at Dwyane Wade para ilista ang 118-115 abante sa huling 51.5 segundo ng fourth period.

Kumonekta si Durant ng 3-pointer at nakumpleto ni Cousins ang dalawa niyang foul shots matapos magmintis ang dalawang koponan para sa pang-15 panalo ng Warriors sa huli nilang 16-laban.

Tumapos si Klay Thompson na may 29 points kasunod ang 25 markers ni Stephen Curry para sa Golden State.

Pinamunuan ni Richardson ang Miami sa kanyang career-high na 37-points tampok ang walong 3-pointers habang nagdagdag sina Waiters at Winslow ng 24 at 22 markers, ayon sa pagkakasunod.

Sa Dallas, kumamada si rookie Luka Doncic ng 28 points samantalang tumipa si Tim Hardaway Jr. ng 24 markers nang burahin ng Mavericks ang 15-point deficit sa fourth quarter para resbakan ang Portland Trail Blazers, 102-101.

Nagtala rin si Doncic ng 9 rebounds at 6 assists para sa Dallas.

Humugot naman si Damian Lillard ng 21 sa kanyang 30 points sa dulo ng third quarter para ibigay sa Portland ang 96-81 abante sa fourth period.

Umiskor si Doncic ng 13 points sa final canto para sa pagbangon ng Mavericks.

Sa Philadelphia, humakot si Joel Embiid ng 37 points at 14 rebounds at naglista si Tobias Harris ng 22 points sa ikalawa niyang laro para sa 76ers sa kanilang 143-120 pagbugbog kay LeBron James at sa Los Angeles Lakers.

Nagdagdag si JJ Redick ng 21 points para sa Philadelphia, nasa kanilang ikalawang sunod na panalo matapos mahugot si Harris at apat pa sa trade deadline.

Tumapos si Jimmy Butler na may 15 points para sa 76ers.

Binanderahan naman ni Kyle Kuzma ang Lakers mula sa kanyang 39 points habang nagposte si James ng 18 points, 10 rebounds at 9 assists.

NBA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with