Orcollo at Aranas sa 4th round
MANILA, Philippines — Tuloy ang mainit na ratsada nina Dennis Orcollo at James Aranas nang payukuin ang kanilang mga karibal para umabante sa fourth round ng prestihiyosong 2019 World Pool Series Predator Grand Final na ginaganap sa Steinway Café-Billiards sa Astoria, New York.
Naging armas ni Orcollo ang malalim niyang karanasan para itakas ang 11-9 panalo laban kay Mike Dechaine ng US, habang ginulantang ni Aranas si dating world champion Darren Appleton ng Great Britain sa pamamagitan ng impresibong 11-4 demolisyon.
Target ni Orcollo na makahirit ng tiket sa quarterfinals sa pakikipagtipan kay Mieszko Fortunski ng Poland na dumaan sa butas ng karayom sa losers’ bracket para makabalik sa kontensyon.
Hangad din ni Aranas na makakuha ng puwesto sa Round-of-8 sa pagsagupa kay Petri Makkonen ng Finland na nanggaling din sa losers’ column.
Una nang tinalo ni Aranas si Makkonen sa second round noong Biyernes sa iskor na 11-7.
Tuluyan namang namaalam sa torneo sina 2017 World 9-Ball champion Carlo Biado, Daniel Dagotdot at Mhet Vergara matapos yumuko sa kani-kanilang do-or-die games sa losers’ bracket.
Naitala muna ni Biado ang 11-6 panalo laban kay Elvis Rodriguez ng Honduras sa unang pagsalang sa one-loss side bago lumasap ng dikit na 10-11 kabiguan sa kamay ni Makkonen.
Bigo din si Dagotdot kay Joey Korsiak, 2-11, gayundin si Vergara kay Matt Krah, 7-11.
- Latest