Tamaraws sinibak ang Green Archers
Tolentino isinalpak ang game-winning 3-point shot
MANILA, Philippines — Kumonekta ng triple si Arvin Tolentino sa huling tatlong segundo para iangat ang Far Eastern University sa 71-70 panalo kontra sa De La Salle University kahapon para masungkit ang huling Final Four berth sa Season 81 UAAP basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Lamang ang Green Archers ng apat na puntos, 70-66, sa huling 63 segundo, ngunit nagsanib puwersa sina Ken Tuffin at Tolentino ng 5-0 atake para makopo ang tiket sa Final Four at pang-20 sa kabuuan.
Tinanggap ni Tolentino ang bola mula kay Jasper Parker at agad humataw ng step-back triple para sa winning goal ng Tamaraws at muling pumasok sa semis kontra sa top seed at nagdedepensang Ateneo Blue Eagles sa Linggo sa Big Dome.
Sa iba pang semis match, maghaharap ang No. 2 Adamson Soaring Falcons at No. 3 University of the Philippines Fighting Maroons sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“For offense purposes, we went down to guys who could provide us with the firepower and these were the likes of Tuffin (Ken) at Arvin (Tolentino). I really love how this team battles through adversities,” sabi ni FEU coach Olsen Racela.
Kagaya ng inaasahan ay dikit ang ‘do-or-die’ battle mula umpisa hanggang matapos na umabot sa 10 lead changes at walong deadlocks bago tuluyang pinatalsik ng Tamaraws ang Green Archers na bigong pumasok sa Final Four sa unang pagkakataon sapul noong 2015.
Tumapos si Tolentino na may 15 points, 5 rebounds at 2 steals, habang si Barkley Ebona ay tumulong ng 12 points at 16 rebounds kasunod ang 11 markers ni Tuffin.
Dahil kina Tolentino, Ebona at Tuffin ay nabawasan ang sakit ng ulo ni Racela dahil na pagkaka-foul-out si Prince Orizu sa huling 4:30 minuto ng fourth quarter.
- Latest