De Vega, 9 pang sports legends iluluklok sa Hall of Fame ngayon
MANILA, Philippines — Hindi masukat ang kaligayahan ni dating ‘Asia’s fastest woman’ Lydia de Vega-Mercado sa pagkakaluklok sa kanya sa Philippine Sports Hall of Fame.
Isa ang ngayo’y 53-anyos na si De Vega-Mercado sa 10 Filipino sports great na iluluklok sa Hall of Fame ngayong gabi na gaganapin sa Summit Hall sa Philippine International Convention Center.
“She is so excited to receive her Hall of Fame trophy. She even took time out of her work just to personally received what she described the most precious awards for being a national athlete, a public servant and a Filipino,” sabi ni Philippine Sports Commission chairman William Ramirez.
Si De Vega-Mercado na tubong Meycauayan, Bulacan ay nagreyna sa 100-m dash at 200-m dash sa Southeast Asian Games noong 1987, 1991 at 1993.
Dalawang beses din niyang napanalunan ang gintong medalya sa Asian Athletics Championships noong 1983 at 1987.
Nasungkit din niya ang gintong medalya sa 100-m dash sa Asian Games noong 1982 sa New Delhi, India at inulit pa niya noong 1986 Seoul, South Korea Asian Games sa oras na 11.53 segundo kung saan tinawag siyang “Asia’s fastest woman.”
Dalawang beses din siyang kumatawan sa bansa sa Olympics Games, ang una ay noong 1984 sa Los Angeles, California at ang ikalawa ay noong 1988 sa Seoul, South Korea.
Iba pang tatanggap ng insentibong P100,000 at paparangalan sa ikatlong pagluluklok sa Philippine Sports Hall of Fame ng sports commission ay sina dating four-time bowling World Cup champion Paeng Nepomuceno, dating Sen. Ambrosio Padilla (basketball), Filomeno “Boy” Codiñera (softball at baseball), Olivia “Bong” Coo (bowling), Ben Arda (golf), Loreto Carbonell (basketball), Josephine de la Vina (athletics), Lita de la Rosa (bowling) at Erbito Salavarria (boxing).
- Latest