2-silver, 4-bronze sa Pinoy jins
MANILA, Philippines — Sumipa ang Pinoy jins ng dalawang pilak at apat na tansong medalya sa 2018 World Taekwondo Poomsae Championships na ginanap sa University of Taipei Gymnasium sa Taipei, Taiwan.
Nanguna sa kampanya ng koponan si Ernesto Guzman nang kubrahin nito ang unang pilak ng Pilipinas mula sa men’s 40-under individual event.
Pumangalawa lamang si Guzman nang magtala ito ng 7.500 puntos laban sa 7.660 points na nakuha ni Ali Salmani ng Iran na siyang nagbulsa ng gintong medalya sa naturang kategorya.
Unang tinalo ni Guzman sina Eduardo Valdebenito ng Chile sa first round (7.330-6.910), Othman Boularas ng Qatar sa second round (7.220-7.050), Ivan Kaic ng Croatia sa quarterfinals (7.310-6.990) at Sam Meilan Fernandez ng Spain sa semifinals (7.350-7.330).
Nakipagsanib-puwersa rin si Guzman kina dating world champion Jean Pierre Sabido at Glenn Lava para masungkit ang ikalawang pilak ng bansa buhat naman sa men’s 30-over team division.
Natalo ang Pinoy trio sa finals laban sa South Korea sa iskor na 7.090-7.340.
Nakapasok sa finals ang Pilipinas nang pataubin nito ang Spain sa quarterfinals at Iran sa semifinals.
Wagi ng tanso sina Southeast Asian Games champion Dustin Mella, Raphael Mella at Rodolfo Reyes Jr. (Male Under-30 Team), King Alcairo at Jamiehannah Agaloos (Pair Cadet), Jocel Lyn Ninobla (Female Individual Under-30) at Agaloos (Female Individual Cadet).
- Latest