Fajardo nagbalik sa ensayo ng Team Pilipinas
MANILA, Philippines — Handa si June Mar Fajardo na akuin ang malaking responsibilidad sa kanyang pagbabalik sa Team Pilipinas para sa nalalapit na fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ayon kay Fajardo, masaya siyang nakabalik ngayon sa national team matapos hindi makasali sa fourth window noong Setyembre dahil sa kanyang right shin injury.
“Masaya ako na nandito ulit ako, maging part ng pool, excited ako maglaro under coach Yeng Guiao,” sabi ng 6-foot-10 na sentro ng San Miguel matapos ang unang araw ng ensayo ng tropa kamakalawa sa Meralco Gym.
Aminado si Fajardo na wala pa siya sa 100 porsyentong kundisyon lalo’t dalawang buwan na hindi siya nakapaglaro subalit siniguradong babalik din ang kanyang bangis bilang four-time PBA Most Valuable Player sa takdang oras ng laban nila kontra Kazakhstan sa Nobyembre 30 at sa Iran sa Disyembre 3.
“Medyo naghahabol pa ako sa conditioning, pero siguro by the time makukuha ko na rin ‘yun,” ani Fajardo
Pinapamunuan ni Fajardo ang 20-man Team Pilipinas training pool ni Guiao na kinukunsidera ng karamihan bilang pinakamalakas na koponan sa kasaysayan ng Philippine basketball.
Subalit ayon kay Fajardo, wala pa aniya silang napapatunayan at kinakailangan pang magsanay upang mapanindigan ang ‘greatest team’ tag sa kanila.
Dagdag din aniyang hamon lalo na ang mas malaking responsibilidad ngayon na naiatang sa kanya dahil sa pagkawala ni naturalized player Andray Blatche sa Team Pilipinas para sa fifth window.
Sa kabutihang palad, tiwala si Fajardo na hindi siya nag-iisa sa laban dahil makakasama niya ang iba pang higante sa Team Pilipinas frontcourt na sina Christian Standhardinger, Japeth Aguilar, Greg Slaughter, Beau Belga, Ian Sangalang at JP Erram na lahat ay inaasahang haharang sa daan ng pambato ng Iran na si Hamed Haddadi.
“Hindi naman sa akin lang , marami naman kaming malalaki, hindi lang sa akin,” ani Fajardo.
“Basta gagawin ko lahat ma-minimize ko si Haddadi pero magbabase pa rin ‘yan sa team effort eh para matalo natin yung Iran,” dagdag ng Cebuano giant.
Kailangan nina Fajardo at ng Team Pilipinas na maipanalo ang napipintong home games nila kontra sa bisitang Kazakhstan at laban sa Iran na parehong dadayo sa Mall of Asia Arena upang lalong lumakas ang tsansa sa 2019 FIBA World Cup sa China.
Nasa top three ng Group F ang Team Pilipinas sa likod ng lider na Australia (7-1) at Iran (6-2).
- Latest