Tabamo, Macado target ang gold medal sa Tammer tourney
MANILA, Philippines — Dalawang Pinoy boxers ang magtatangkang sumuntok ng gintong medalya matapos umusad sa finals ng 39th International Tammer Boxing Tournament na ginaganap sa Tampere, Finland.
Nakasiguro ng tiket sa championship round si Marvin Tabamo nang magtala ng unanimous decision win laban kay Istvan Szaka ng Hungary sa semifinals ng men’s flyweight 52 kg.
Susubukan ni Tabamo na masikwat ang ginto sa pagharap kay Kirill Serikov ng Estonia sa finals.
Awtomatikong umusad sa finals si Serikov matapos makahirit ng bye.
Tatlong boksingero lamang ang nakalinya sa kanilang dibisyon kaya’t masuwerteng umabante kaagad sa finals si Serikov.
Makakasama ni Tabamo sa finals si Ramel Macado Jr. sa men’s light flyweight division (46-49 kg.).
Makakalaban ni Macado si Aqeel Ahmed ng Scotland para sa gold-medal match.
Pasok kaagad sa finals sina Macado at Ahmed dahil dalawang boksingero lamang ang lumahok sa kanilang kategorya.
Sa kabilang banda, bigong umusad sa finals si Ryan Boy Moreno sa men’s bantamweight (56 kg.).
Umani si Moreno ng split decision loss kay Enzo Grau ng France sa hiwalay na semis game dahilan upang magkasya ang Pinoy pug sa bronze medal.
Una nang yumuko ang ikaapat na miyembro ng national team na si Sugar Rey Ocana na umani ng unanimous decision loss kay Hadi Srour ng Norway sa first round ng men’s light welterweight (64 kg.).
Kasama ng tropa sa Finland sina Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco at dating national team member Romeo Brin.
- Latest