Derozan bumida sa panalo ng Spurs
SAN ANTONIO — Humataw si DeMar DeRozan ng 28 points para sa kanyang debut, habang humakot si LaMarcus Aldridge ng 21 points at 19 rebounds para pamunuan ang Spurs sa 112-108 panalo laban sa Minnesota Timberwolves.
Nalampasan ng Spurs ang 23-point performance ni Jimmy Butler para sa Timberwolves.
Nakuha ng San Antonio si DeRozan sa pamamagitan ng trade mula sa Toronto kapalit ni Kawhi Leonard kasama si Danny Green.
“It was an extremely long summer for me, extremely long summer,” sabi ni DeRozan sa nangyaring trade na ikinasama niya ng loob. “So, just to be in this moment, it feels good.”
Isinalpak ni DeRozan ang game-winning shot laban kay Butler para sa 110-108 abante ng Spurs sa huling 32.4 segundo ng fourth quarter.
Sinelyuhan ni DeRozan ang panalo ng San Antonio mula sa kanyang dalawang free throws sa natitirang 7.8 segundo matapos ang mintis ni Derrick Rose sa panig ng Minnesota.
Nagdagdag naman si Rudy Gay ng 18 points, habang may 11 markers si Bryn Forbes bilang starting point guard ng Spurs.
Pinamunuan ni Jeff Teague ang Timberwolves sa kanyang 27 points kasunod ang 20 markers ni forward Andrew Wiggins.
Sa Toronto, kaagad kumamada si Leonard ng 24 points at team-high 13 rebounds sa kanyang Raptors debut, habang umiskor si guard Kyle Lowry ng 27 points para talunin ang Cleveland Cavaliers, 116-104, sa kanilang season-opener.
Nagdagdag si Fred VanVleet ng 14 points kasunod ang 13 at 11 markers nina Pascal Siakam at Green, ayon sa pagkakasunod, para sa ikaanim na sunod na panalo ng Toronto sa kanilang season opener at bigyan si Nick Nurse ng panalo sa kanyang unang laro bilang head coach.
Umiskor si Kevin Love ng 21 points at naglista si Cedi Osman ng 17 points at 10 rebounds sa panig ng Cleveland.
Pinatalsik ng Cavaliers ang Raptors sa playoffs ng nakaraang tatlong seasons.
Nahaharap sila ngayon sa matinding hamon dahil sa paglipat ni dating superstar LeBron James sa Los Angeles Lakers.
Nalimitahan ang two-time NBA Defensive Player of the Year na si Leonard sa siyam na laro sa nakaraang season bunga ng quadriceps injury.
Sa Charlotte, kumolekta si star forward Giannis Antetokounmpo ng 25 points, 18 rebounds at 8 assists para banderahan ang Milwaukee Bucks sa 113-112 panalo laban sa Hornets.
Isinalpak ni Antetokounmpo ang dalawang free throws sa huling 23.7 segundo para ibigay sa Bucks ang bentahe matapos makabangon ang Hornets mula sa 20-point deficit sa likod ng 41 points ni guard Kemba Walker.
- Latest