Ateneo volleybelles sinolo ang 2nd spot
MANILA, Philippines — Umarangkada sa kanilang pangalawang sunod na panalo ang Lady Eagles para solohin ang ikalawang posisyon.
Bumandera si Kat Tolentino para sa 17-25, 25-23, 25-20, 21-25, 15-12 pagtakas ng Ateneo-Motolite laban sa Adamson-Akari sa 2018 Premier Volleyball League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pinaganda ng Lady Eagles ang kanilang baraha sa 4-1 panalo-talo kasabay ng pagpapalasap sa Lady Falcons ng pang-anim na dikit na kamalasan.
“I don’t care if you’re not perfect, what’s important is you just have to execute properly,” pahayag ni head coach Oliver Almadro sa kanyang Katipunan-based spikers.
Inihataw ni Tolentino ang anim sa huling 15 points ng Ateneo sa fifth set para makaba-ngon mula sa kabiguan sa fourth frame at resbakan ang Adamson.
Ang cross court spike ni Gandler ang sumelyo sa panalo ng tropa ni Almadro.
Nanggaling ang Lady Eagles sa 25-19, 29-27, 25-14 panalo laban sa Iriga-Navy Lady Oragons noong Sabado.
Pinadapa naman ng Petro Gazz Angels ang Lady Falcons, 25-17, 25-20, 25-13 sa ikalawang laro.
- Latest