Meralco bumangon
MANILA, Philippines — Hindi sumuko sina point guard Baser Amer at import Allen Durham sa kabila ng pagkakabaon ng Bolts sa third period.
Bumangon ang Meralco mula sa 16-point deficit para resbakan ang NLEX, 108-105 para buhayin ang kanilang pag-asa sa silya sa quarterfinal round ng 2018 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Winakasan ng Bolts ang kanilang anim na sunod na kamalasan para ilista ang 2-6 record habang nalasap ng Road Warriors ang ikatlong dikit na pagkatalo na naghulog sa kanilang baraha sa 4-5.
Kumolekta si Durham ng 36 points, 18 rebounds at 7 assists para banderahan ang Meralco ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black habang tumapos si Amer na may 22 markers, 7 boards at 4 steals.
Isinalpak ni Amer ang isang krusyal na three-point shot sa huling 13.6 segundo para ibigay sa Bolts ang 108-105 bentahe matapos ibaon ng Road Warriors sa 82-66 sa pagsisimula ng third period.
“Sabi nya sa akin kahit na minamalas ako kapag free, kailangan kong i-take ‘yung shot,” sabi ni Amer kay Black.
Nalimitahan lamang si Durham sa 6 points sa first half, ngunit nagwala sa second half ang huli ay nang idikit ang Meralco sa 99-103 agwat sa NLEX huling 2:14 minuto ng fourth quarter.
Huling napasakamay ng Road Warriors ang bentahe sa 105-99 makaraan ang basket ni import Aaron Fuller sa 1:40 minuto ng labanan kasunod ang triple ni Reynel Hugnatan at 3-point play ni Amer kay Fuller para itabla ang Bolts sa 105-105 sa nalalabing 46.2 segundo.
Ang nasabing foul ang ikaanim at huli ni Fuller, tumapos na may 31 points at 13 rebounds.
MERALCO 108 - Durham 36, Amer 22, Newsome 14, Hugnatan 12, Hodge 10, Caram 8, Lanete 2, Salva 2, Jamito 2, Faundo 0, Atkins 0, Tolomia 0.
NLEX 105 - Fuller 31, Fonacier 21, Quiñahan 17, Ighalo 9, Galanza 6, Tallo 5, Marcelo 4, Taulava 3, Rios 3, Soyud 2, Baguio 2, Paniamogan 2, Tiongson 0, Monfort 0.
Quarterscores: 13-17; 36-39; 66-80; 108-105.
- Latest