Wolves payag nang i-trade si Butler
MINNESOTA -- Payag na ang Timberwolves na mai-trade si veteran guard Jimmy Butler.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Minnesota ang pag-aalok nila kay Karl-Anthony Towns ng five-year, $190-million super-maximum extension sa parehong araw na idineklara ni team owner Glen Taylor ang pagdadala kay Butler sa ibang koponan.
“I promise to the fans, my teammates and the organization to keep the vision of the man who drafted me, Flip Saunders, alive and treat his dream of winning with respect and dignity. To the fans from Day One and the Timberwolves fans, this is for you. Thank you for believing in me,” sabi ni Towns sa isang statement.
Ang 6-foot-11 na si Towns, ipagdiriwang ang kanyang ika-23 kaarawan sa Nobyembre 15, ang tumatayong cornerstone ng Timberwolves matapos siyang hirangin bilang first overall pick noong 2015.
Siya ang kinilalang 2016 Rookie of the Year, naging miyembro ng All-Star team at isang All-NBA third team member sa una niyang tatlong seasons.
Kumamada si Towns ng mga averages na 21.3 points, 12.3 boards at 1.4 blocks.
Pinaganda ang kanyang three-point shooting, inihatid ni Towns ang Minnesota sa playoff appearance matapos ang 13 taon.
Inutusan na ni Taylor sina president at head coach Tom Thibodeau at general manager Scott Layden na ilagay si Butler sa trading block.
Sinabi pa ng 29-anyos na si Butler na wala na siyang intensyon na muling pumirma ng bagong kontrata sa Timberwolves.
Kabilang sa mga gusto ni Butler na lipatan ay ang Los Angeles Clippers, New York Knicks at Brooklyn Nets.
Humataw si Butler ng mga averages na 22.2 points, 5.3 rebounds, 4.9 assists at 2.0 steals para sa Minnesota.
- Latest