Valientes puntirya ang ikaapat na sunod na panalo
MANILA, Philippines — Lalabanan ng Zamboanga Valientes ang bumubulusok na Rizal Crusaders sa pagpapatuloy ng Maharlika Pilipinas Basketball League Datu Cup.
Maghaharap ang Valientes at Crusaders ngayong alas-7 ng gabi sa Pasig Sports Center.
Lalabanan naman ng Navotas Clutch ang Pasig Pirates sa alas-9 ng gabi.
Matapos ang two-game slide ay dumiretso ang Valientes sa tatlong sunod na panalo para itaas ang kanilang baraha sa 4-2 sa regional league na inilunsad ni Sen. Manny Pacquiao.
Bitbit naman ng Crusaders ang 1-5 marka.
Muling aasahan ng Valientes si dating pro Reed Juntilla, ang ikalawang leading scorer ng liga sa kanyang average na 21.33 points per game.
Ang iba pang ipaparada ng Valientes ay sina Leo Avenido and Robert Sanz at Noy Javier.
Samantala, bagama’t nahulog sa tatlong dikit na kamalasan ay paborito pa ring manaig ang Clutch laban sa Pirates, may 0-5 marka.
- Latest