NLEX dumiretso sa ikalawang panalo
MANILA, Philippines — Walang dapat ipag-alala si head coach Yeng Guiao sa NLEX.
Sa ilalim ni assistant coach Jojo Lastimosa ay dumiretso ang mga Road Warriors sa kanilang ikalawang sunod ratsada sa 2018 PBA Governor’s Cup.
Pinatumba ng NLEX ang NorthPort, 123-107, para solohin ang liderato kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humakot si Nigerian-Canadian import Olu Ashaolu ng 27 points at 13 rebounds para sa 2-0 baraha ng Road Warriors.
Ginawa ito ni Ashaolu kahit na may ruptured patellar tendon.
Nagdagdag naman sina Larry Fonacier at guard Mark Tallo ng tig-14 markers kasunod ang 12 points ni bigman JR Quiñahan.
Si Lastimosa ang pansamantalang humahawak sa NLEX habang ginigiyahan ni Guiao ang Philippine team sa 18th Asian Games sa Indonesia.
Nagpasabog naman si reinforcement Rashad Woods ng game-high na 42 points sa panig ng NorthPort kasunod ang 20, 15 at 13 markers nina Moala Tautuaa, Paolo Taha at Jonathan Grey, ayon sa pagkakasunod.
Maagang itinayo ng Road Warriors ang 34-19 abante sa first period hanggang makadikit ang Batang Pier sa halftime, 58-61.
Sa third quarter ay binanderahan ni Ashaolu ang ratsada ng NLEX para muling iwanan ang NorthPort sa 94-78.
Huling nakalapit ang Batang Pier sa 95-104 sa huling 4:51 minuto ng final canto.
Ang magkasunod na three-point shots naman ni Kenneth Ighalo ang muling naglayo sa Road Warriors sa 110-95.
Tumapos si Ighalo na may 11 points para sa NLEX.
NLEX 123 - Ashaolu 27, Fonacier 14, Tallo 14, Quiñahan 12, Ighalo 11, Mallari 10, Tiongson 10, Baguio 8, Paniamogan 5, Marcelo 4, Miranda 4, Galanza 4.
NorthPort 107 - Woods 42, Tautuaa 20, Taha 15, Grey 13, Javelona 8, Teng 5, Guinto 3, Elorde 1, Espinas 0, Gabayni 0.
Quarterscores: 34-19; 61-58; 94-78; 123-107.
- Latest