Dalawang tanso sa poomsae event
Unang medalya ng Team Phl sa Asiad
JAKARTA — Nagdeliber ng dalawang bronze medal ang men at women’s poomsae team sa taekwondo competition sa pagsisimula ng kampanya ng Pilipinas sa 18th Asian Games dito.
Sa unang pagkakataon na isinama ang poomsae event sa quarennial meet na ito, pumasok sa semifinals ang men at women’s team ng Pinas ngunit pinutol ng China at Korea ang daan patungong gintong medalya.
Ang men’s team na binubuo nina Rodolfo Reyes, Jr., Jeordan Dominguez at Dustin Jacob Mella ay yumukod sa China, 116.3, 118.1 habang natalo naman ang women’s team nina Jana Dominique Oliva, Rina Babanto at Juvenile Faye Crisostomo laban sa Korea, 111.9-99.5.
“Hard Luck, we lost in the semifinals but we are very proud,” pahayag ni head coach Igor Mella.
Pumasok ang men’s trio sa semifinals matapos igupo ang Saudi Arabia sa round of 16 at Iran sa quarterfinals.
Tinalo ng mga Pinay ang Hong Kong at host Indonesia para makausad sa medal round.
Maaga namang nasibak ang mga entries ng Pinas sa individual category na sina Reyes at Jocelyn Ninobla.
Sinibak si Reyes ng Thailander na si Pongporn Suvittayarak, 8.08-8.32, matapos manalo kay Ruslan Manaspayev sa round-of-18, 8.08-7.08.
Yumukod kaagad si Ninobla sa round-of-16 kay Vietnamese Tuyet Van Chau, 7.89-8.11.
Sa tennis, binuksan ng dating top junior netter na si Jeson Patrombon ang kampanya sa pamamagitan ng 6-1, 6-0 panalo sa Timor Leste bet na si Nazario Fernandez Gusmao bago nakipagtambal kay Francis Casey Alcantara sa hapon para igupo sina Jabar Al Mutawa at Mubarak Zayid, 6-4, 6-2 ng Qatar sa doubles play.
Nakalasap naman sina Alberto Lim Jr. at Marian Jade Capadocia ng 4-6, 4-6 kabiguan sa seventh-seeded Indian tandem nina Khamran Kaur Thandi at Divij Sharan sa mixed doubles.
Sa shooting, nagtala si Hagen Topacio ng 71 points para makisalo sa third place kasama ang anim matapos ang anim na round ng trap event.
- Latest