Nasa magic 4 pa rin ang UP
MANILA, Philippines — Pinataob ng University of the Philippines ang College of Saint Benilde, 26-24, 27-25, 29-27 upang manatili sa Magic 4 ng Premier Volleyball League Season 2 Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ibinigay ni Isa Molde ang huling apat na puntos ng Lady Maroons kabilang ang game-winning ace para makopo ng kanilang tropa ang 3-2 kartada at mapatatag ang kapit sa No. 4 spot.
Nanganganib na masibak ang Lady Blazers na nakatikim ng ikaapat na sunod na kabiguan laban sa nag-iisang panalo.
Nakabaon sa 17-22, sinubukang pumalag ng St. Benilde sa third set nang magpakawala ito ng 6-0 run para makuha ang kalamangan, 23-22.
Nagpalitan ng puntos ang Lady Maroons at Lady Blazers para magtabla sa 27-all.
Agad na sumaklolo si Molde nang kumana ng cross-court hit kasunod ang umaatikabong ace para makuha ng UP ang panalo.
Sa men’s division, sinorpresa ng De La Salle University ang reigning UAAP champion National University matapos itarak ang 27-25, 27-25, 17-25, 25-17 desisyon.
Nagtala si Wayne Marco ng 32 excellent sets na pangunahing dahilan para makalikom si skipper Cris Domago ng 17 puntos para sa Green Spikers na umangat sa 2-4 baraha.
Malakas na puwersa ang inilabas ng Bulldogs sa attack line (55 hits) at service area (walong aces) ngunit nakagawa ito ng 33 errors partikular na sa mga krus-yal na sandali ng laro.
Lumasap ang Bulldogs ng unang kabiguan sa anim na laro sa kabila ng mahusay na ipinamalas ni Bryan Bagunas na may 30 puntos.
Nagrehistro naman sina middle blocker JP Bugaoan at rookie Mark Calado ng pinagsamang 31 puntos para tulungan ang Far Easter University na pigilan ang Arellano University, 22-25, 25-20, 25-26, 25-20.
Napaganda ng Tamaraws ang rekord nito sa 3-3, habang wala pa ring panalo ang Chiefs sa anim na laro.
Nagwagi rin ang UP kontra sa St. Benilde, 25-21, 25-20, 25-23 para sumulong sa 4-2 marka.
- Latest