Bolkiah, iba pang Royalties sasabak sa polo event ng 2019 Philippine SEA Games
MANILA, Philippines — Inaasahang aagaw ng atensyon ang mga polo matches sa Southeast Asian Games sa susunod na taon dahil sa paglahok ng ilan sa mga pinakamayayamang tao sa buong mundo.
Nagkumpirma ng kanilang pagsali ang mga dugong bughaw ng Brunei na hangad mapaganda ang kanilang bronze medal finish sa SEA Games noong 2017 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang partisipasyon ng Brunei ay ipinarating kay United Polo Players Association UPPA Chairman Emeritus at Rep. Mikee Romero (1 Pacman Party-List) sa ika-72 kaarawan ni Sultan Haji Hassanal Bolkiah noong nakaraang linggo na tinampukan ng isang polo tournament.
Sina Princess Azemah Ni’matul Bolkiah at Prince Abdul Mateen ang babandera sa Brunei team na ginagabayan ng mga European coaches.
“We at the UPPA are elated that Brunei confirmed its participation this early,” wika ni Romero na pinasalamatan ang pagsuporta ni Philippine SEA Games Organizing Committee head Sec. Alan Cayetano at nina Philippine Olympic Committee president Ricky Vargas at chairman Rep. Bambol Tolentino.
Inaasahan ding sasalang sa aksyon para sa Brunei sina Prince Muda Bahar Bolkiah at Prince Abdul Qawi Bolkiah.
Ang UPPA ay pinamumunuan ni Coco Garcia, anak ni dating Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia, kasama si Hollywood film producer Jun Juban bilang chairman.
Maliban sa host country, makikipag-agawan din para sa gold medal ang Thailand.
Ang Malaysia ang kumuha ng gintong medalya noong 2017 SEA Games.
Sina Aiyawatt at Apichet Srivaddhanaprabha ang mangunguna sa kampanya ng Thailand, habang ang Malaysia ay pamumunuan nina Abdul Rashid Hasnan, Amran Selamat, Khairy Jamaluddin at Mohd Zulhelmi Nadzar.
Walang nakikitang problema ang UPPA sa pagtiyak ng seguridad ng mga VIPs.
“We are readying all safety measures not only for the athletes and officials but also for our guests,” wika ni Romero. “We will make this SEA Games an event to remember.”
- Latest