Blaze Spikers kontra sa Cargo Movers sa finals
MANILA, Philippines — Nasungkit ng Petron Blaze Spikers at F2 Logistics Cargo Movers ang Finals berth matapos talunin ang kanilang mga karibal sa knockout semifinals sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga Invitational Conference kahapon sa Muntinlupa City Sports Center.
Dinaig ng Blaze Spikers ang Smart-Army Giga Hitters, 25-12, 25-15, 25-17, habang pinatumba ng Cargo Movers ang Cignal HD Spikers, 25-22, 25-15, 25-19.
Sisimulan ng Petron at F2 Logistics ang kanilang championship series sa Huwebes.
Malakas na depensa at opensa ang ipinakita ng Blaze Spikers kaya sa first set pa lamang ay lumamang agad sila sa 12-5 na lumobo naman sa 19-8 bago sa sunud-sunod na hataw ni Mika Reyes para tapusin sa 25-12.
Sa first set ay nagpaulan ang Blaze Spikers ng 14 atake, habang lima lamang mula sa Giga Hitters.
Ipinagpatuloy ng second team ng Petron ang matikas na laro sa ikalawang set at walang nakitang pantapat si Smart coach Kungfu Reyes para pigilin ang pagragasa ng Petron.
Tumapos si Bernadeth Pons na may apat na atake, isang block at isang ace, habang si Sisi Rondina ay nag-ambag ng siyam na atake para sa Blaze Spikers ni coach Shaq de los Santos.
“Masaya kami dahil siyempre Finals na kami. Mas lalo pa naming pagbubutihin ang laro namin sa Finals dahil gusto rin talaga naming mag-champion,” sabi ni Pons. “Kaya bukas mag-eensayo agad kami at aayusin pa namin ang opensa at depensa namin.”
Sisimulan ng 2018 Grand Prix champion na Blaze Spikers ang best-of-three title series sa Huwebes sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Samantala, nagwagi ang Generika-Ayala Lifesavers kontra sa Sta. Lucia Lady Realtors, 25-10, 24-26, 25-10, 25-18, para tumapos sa pang-limang puwesto.
Magaang na nakuha ng Lifesavers and unang set, 25-10, ngunit humirit ang Lady Realtors sa ikalawang set bago muling nasikwat nina April Ross Hingpit, Patty Orendain at Fiola Mae Ceballos ang ikatlong set sa 25-10.
Umiskor si Orendain ng 23 puntos kabilang na ang 19 atake, isang block at tatlong aces, habang si Hingpit ay umani ng 43 excellent sets.
Nagdagdag si Mae Ceballos ng 13 puntos.
- Latest