Pacquiao may nilinaw kay Arum
MANILA, Philippines — Walang sinuman ang makakapag-ayos ng laban ni Manny Pacquiao kundi ang Filipino world eight-division at ang kanyang MP Promotions.
Nilinaw ito kahapon ng 39-anyos na bagong World Boxing Association welterweight king sa gitna ng mga pahayag ng dati niyang promoter na si Bob Arum ng Top Rank Promotions.
“I, through MP Promotions, will be handling any and all negotiations for my next fight. Nobody is authorized to speak on my behalf. You know my number, call me,” Pacquiao,” sabi ng Filipino boxing icon sa kanyang social media account.
Sa kanyang mga nakaraang pahayag ay tila ipinalalabas ni Arum na siya pa rin ang promoter ni Pacquiao (60-7-2, 39 KOs).
Ayon kay Arum, mas magandang makalaban ni Pacquiao si World Boxing Organization welterweight titlist Terence Crawford (33-0-0, 24 KOs).
Ang naturang titulo ni Crawford ay isinuko ni Pacquiao kay Jeff Horn via unanimous decision noong Hulyo ng 2017.
Naagaw naman ito ni Crawford kay Horn noong nakaraang buwan.
Ilang beses nang tinangka ni Arum na plantsahin ang upakan nina Pacquiao at Crawford.
“Like I’ve said before, I’m not worrying about Pacquiao right now,” ani Crawford.
- Latest