^

PM Sports

Go For Gold pasok sa semis

Andrew Dimasalang - Pang-masa

MANILA, Philippines — Pinadapa ng Go For Gold ang Centro Escolar University, 70-65 upang masikwat na ang isang semifinalist ticket sa umiinit na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Developmental League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena kahapon sa Pasig City.

Naiiwan pa sa 34-37 sa hafltime, pinagpag ng Scratchers ang maalat na simula nito nang limitahan lang sa 10 puntos ang Scorpions sa krusyal na third quarter para makapagbaon ng 54-47 abante papasok sa huling kanto.

Hindi na bumitaw pa sa manibela ang Go For Gold buhat doon tungo sa malaking 15-puntos na tagumpay.

Bunsod nito, kinubra ng Scratchers ang ikaanim nilang panalo upang saluhan ang Revellers sa liderato ng Foundation Cup hawak ang parehong 6-2 kartada.

Pasok na rin ang dalawa sa semifinals ng semi-pro league second conference.

Ito ay sa kabila rin ng pagkawala ng apat na mahahalagang manlalaro sa katauhan nina Gab Banal na nasa abroad para sa personal na dahilan gayundin nina Ron Dennison, James Martinez at Jerwin Gaco na may mga iniindang injuries at karamdaman pansamantala.

Sa kabutihang palad, nagpakitang gilas ang bagong salta na si Rey Publico para sa Go For Gold sa inilista niyang double-double na 18 puntos at 11 rebounds.

Nag-ambag din ng 17 puntos si Paul Desiderio sa kanyang huling salang para sa Scratchers dahil sa pagbabalik ensayo ng collegiate team na University of the Philippines para sa nalalapit na Season 81 ng University Athletic Association of the Philippines.

Sa kabilang banda, nasayang naman ang 16 puntos ni Rich Guinitiran gayundin ang muntikang triple double ni Keanu Caballero na 11 puntos, walong assists at pitong rebounds para sa Scorpions na nahulog sa 4-4 kartada.

Sa isa pang laro ay umiskor naman ng mahirap na 80-74 tagumpay ang Marinerong Pilipino-Technological Institute of the Philippines sa palabang Batangas-Emilio Aguinaldo College.

Nanguna si Filipino-American Trevis Jackson na may 20 puntos, anim na rebounds at apat na steals para sa Engineers na nasolo ang ikatlong puwesto sa 5-3 kartada.

Nahulog naman sa ikalimang puwesto ang Gene-rals tangan ang 3-5 baraha.

vuukle comment

PBA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with