Giga Hitters susukatan ang Lady Realtors
MANILA, Philippines — Masusubukan ang ginawang pagbabago ng Smart Giga Hitters sa kanilang pagharap sa Sta. Lucia Lady Realtors, habang magtatagpo naman ang Cocolife at University of the East-Cherrylume sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Maghaharap ang Giga Hitters at Lady Realtors ngayong alas-7 ng gabi matapos ang laban ng Asset Managers at UE Lady Warriors sa alas-4:15 ng hapon.
Walang naipanalong laro sa nakaraang PSL Grand Prix, nakikipag-ugnayan ang Smart sa Philippine Army Lady Troopers para sa asam na magandang kampanya sa ikalawang conference.
Pamumunuan ni veteran Mary Jean Balse-Pabayo ang koponan ni head coach Kungfu Reyes.
Bukod kay Balse-Pabayo, kasama na rin sa Giga Hitters sina Luth Malaluan, Nerrisa Bautista, Genie Sabas at Joanne Bunag ng Lady Troopers.
Idinagdag ni Reyes ang mga UST Tigresses na sina Caitlin Viray, Dimdim Pacres, Mildred Dizon at Tin Francisco para magbago ang mukha ng Smart Giga.
“We’re an old team that looks like new. With this team now, the pressure is always there and that’s what we want. We just have to overachieve and surpass the previous ranking of Smart. We won’t settle for anything less, we’ll target the best finish possible,” sabi ni Reyes.
Ngunit hindi lang ang Giga Hitters ang nag-revamped kundi pati ang Lady Realtors ni coach George Pascua sa pamamagitan ng pagkuha kay dating Ateneo Lady Eagles star Jhoanna Maraguinot at mga Far Eastern University Lady Tamaraws na sina Carly Hernandez, Jeanette Villareal at Toni Rose Basas.
Pangungunahan pa rin ng mga dating players na sina Pam Lastimosa, Mar Jana Philips, Rubie de Leon, Rebecca Rivera at Michelle Laborte ang Sta. Lucia sa Season 5 ng PSL.
“We want to meet the expectation of the management for a better finish this team. Hopefully, we can make it to the semifinal round this time,” ayon naman kay Pascua.
Samantala, nagwagi ang F2 Logistics laban sa Foton Tornadoes via straight sets, 25-21-25-21, 25-14, noong Sabado ng gabi para sa maganda nilang umpisa.
Pinahiya ni Kim Dy ang debut ni Bea de Leon sa Tornadoes mula sa kanyang 10 puntos para umani ang Cargo Movers ng kabuuang 40 atake.
- Latest