Sinusubaybayan pa rin ni Floyd si Manny
MANILA, Philippines — Hindi man aktibo sa boxing matapos tuluyang magretiro noong Agosto ay sinusundan pa rin ni American boxing legend Floyd Mayweather, Jr. ang mga kaganapan sa kanyang paboritong sport, lalung-lalo na sa paghahamon ni Manny Pacquiao kay Lucas Matthysse ng Argentina.
“That’s a good matchup, very exciting fight,” sabi ng 41-anyos na si Mayweather matapos dumating sa bansa kahapon ng madaling-araw. “Manny Pacquiao and Lucas Matthysse are great fighters. It’s great matchup between two former world champions so it’s going to be a very good fight.”
Nasa bansa ang Ame-rican world five-division champion para sa isang four-day visit kasama ang pagdalo sa isang fashion show ng mga dati at kasalukuyang Miss Universe gaya nina 2015 winner Pia Wurtzbach at reigning titlist Demi-Leigh Nel-Peters ng South Africa.
Tinalo ni Mayweather si Pacquiao via unanimous decision sa kanilang super fight noong Mayo ng 2015 na bumasag sa pay-per-view record.
Matapos ito ay dinomina naman ni Mayweather si Andre Berto noong Setyembre ng nasabing taon para iposte ang malinis na 49-0-0 win-loss-draw ring record kasunod ang paghahayag ng kanyang pagreretiro.
Ngunit noong Agosto ng 2017 ay muling umakyat ng boxing ring si Mayweather para biguin si dating UFC star Conor McGregor via 10th round stoppage para sa kanyang 50-0-0 mark.
Umaasa si Mayweather na muli niyang makikita si Pacquiao matapos ang tatlong taon.
“Hopefully we can sit down and meet, probably have lunch or dinner and just see how’s everything been going for Manny and his team,” wika ng American boxing superstar.
Ilang beses ding napaulat ang pagsubok ni Mayweather na lumaban sa loob ng Octagon sa UFC.
“I’m an old man now,” ani Mayweather. “There’s no more fighting for Floyd Mayweather.”
Matapos ang ilang oras na pahinga ay dumiretso si Mayweather sa El Nido, Palawan.
Nakatakda namang hamunin ni Pacquiao si Matthysse para sa suot nitong World Boxing Association welterweight crown sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
- Latest