Mainit na bakbakan sa MPBL playoffs
MANILA, Philippines — Maghaharap ang top seed na Batangas Athletics at No. 8 Bataan Defenders habang magtatagpo naman ang No. 4 Valenzuela at No. 5 Quezon City Capitals sa pagsisimula ng best-of-three quarterfinal round sa inaugural staging ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Batangas City Coliseum.
Haharapin ng Athletics ang Defenders sa alas-9 ng gabi pagkatapos sa pagtatagpo ng Valenzuela Classics at QC Capitals sa alas-7 ng gabi.
Sa pagtatapos ng single round eliminations, nasungkit ng Batangas ang top seed sa kanilang 8-1 win-loss record kasunod ang Bulacan, Muntinlupa at Valenzuela sa three-way tie sa ikalawang puwesto sa kanilang parehong 6-3 panalo-talo.
Ngunit nakuha ng Bulacan Kuyas ang No. 2 spot bunga ng mas mataas na plus 5 sa quotient tie break system at ikatlo ang Muntinlupa sa plus 2 habang fourth seed ang Valenzuela na may plus 1 quotient.
Ang Quezon City Capitals at Navotas Clutch ay tumapos sa parehong 5-4 card pero nakuha ng Capitals ang pang-limang puwesto dahil sa mas mataas na quotient kaya No. 6 lamang ang Clutch.
Sa kanilang 4-5 slate, nasungkit din ng Parañaque Patriots ang pang-pitong puwesto at pang-walo ang Bataan Defenders sa 2-7 card.
Ang Bataan at Imus Bandera ay tumapos sa elims sa parehong 2-7 kartada, pero dahil sa winner-over-the-other rule, nakapasok ang tropa ni Gary David bilang No. 8 seed. Tinalo ng Defenders ang Bandera, 91-87, noong Pebrero 20.
Magkasamang nalaglag ang Imus Bandera at ang nangulelat na Caloocan Supremos na isang panalo lamang ang naitala sa siyam na laro.
Sa ibang best-of-three quarterfinal matches, magtatagpo naman ang No. 2 Bulacan laban sa No. 7 Parañaque at ang No. 3 Muntinlupa kontra sa No. 6 Navotas simula bukas sa Bulacan Capitol Gymnasium.
- Latest