Classics, Clutch umiskor ng panalo
MANILA, Philippines — Isinalba ni Jeff Javillonar ang Valenzuela Classics mula sa kanyang limang krusyal na free throws para maka-eskapo laban sa Quezon City Capitals, 84-79, sa Maharlika Pilipinas Basketball League Anta Rajah Cup noong Huwebes ng gabi sa Valenzuela City Astrodome.
Binura ni Javillonar ang 79-79 pagkakatabla mula sa kanyang split sa huling 17 segundo sa laro.
Nakuha naman ni Ford Ruaya ang offensive rebound kaya balik na naman si Javillonar sa foul line para sa 82-79 abante ng Classics sa natitirang 14 segundo.
Nagmintis si Joco Tayongtong sa minadaling triple sa panig ng Capitals kaya nagbalik si Javillonar sa charity line para sa final score at maitala ang ikaanim na panalo ng Classics sa siyam na laro.
Tinapos ng Valenzuela ni coach Chris Gavina ang elimination round sa second spot sa likuran ng Batangas Athletics na hawak ang 8-1 kartada.
Bumaba naman ang Quezon City sa pang-lima hanggang pang-anim na puwesto kasama ang Navotas Clutch sa pareho nilang 5-4 record.
Umiskor si RJ Argamino ng 22 puntos kasama ang 8 rebounds, habang si Javillonar ay umani ng 12 puntos, kabilang ang pito mula sa charity line, kasunod ang 11 marka ni Rocky Acidre para sa Classics.
Samantala, kinuha ng Navotas Clutch ang 78-74 panalo kontra sa Parañaque Patriots para tumaas sa pang-limang puwesto sa torneo.
- Latest