
Marcial kinuha ang quarterfinals seat
DOHA, Qatar – Hindi man niya nakuha ang tatlong rounds ay masaya pa rin si Filipino welterweight Eumir Felix Marcial.
“Puro kombinasyon ang binato ko at malalakas ang patama ko, akala ko nga nakuha ko lahat ng round. Pero okay lang, ang importante nanalo tayo at buhay ang pangarap natin na maka-Olympics,” sabi ni Marcial matapos talunin si Youba Sissokho ng Spain via split decision sa huling araw ng preliminaries ng 2015 AIBA World Championships dito sa Ali Bin Hamad Al Attiya Stadium.
Ang naturang panalo ang nagpasok sa 19-anyos na si Marcial sa quarterfinals.
Makakasagupa ng tubong Zamboanga si World No. 1 Daniyar Yeleussinov ng Kazakhstan na tumalo sa kanya sa finals ng nakaraang Asian Championships sa Bangkok, Thailand noong Setyembre.
Ibinigay ng dalawang judges mula sa Russia at Turkey ang dalawang rounds kay Marcial, habang pumanig naman ang Uzbekistan judge sa Senegal-born na si Sissokho.
Nagpakawala si Marcial ng mga mabibigat na suntok at kombinasyon para talunin ang 23-anyos na Spaniard.
Samantala, sasagupain naman ni light flyweight Rogen Ladon si Dawid Jagodzinski ng Poland sa quarterfinals.
Kailangan nina Marcial at Ladon na maipanalo ang kanilang dalawang laban para makamit ang tiket patungo sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Kamakalawa ay bumisita si boxing legend Manny Pacquiao at nangako kina Ladon at Marcial na magbibigay ng P500,000 bonus sakaling masungkit nila ang gintong medalya sa torneo.
Nauna nang nangako si Pacquiao na magbibigay ng P5 milyon para sa mga Filipino athletes na mag-uuwi ng kauna-unahang gold medal ng bansa sa Olympics.
- Latest