‘Di na pakakawalan ng San Mig Coffee ang pagkakataong makuha ang Grand Slam
MANILA, Philippines - Ito ang larong tiyak na hindi pakakawalan ng Mixers.
Tangan ng 2-1 bentahe sa kanilang championship series, pipilitin ng nagdedepensang San Mig Coffee na talunin ang Rain or Shine sa Game Four para tuluyan nang angkinin ang hinahangad na PBA Grand Slam.
Ngunit hindi ito ang nasa isip ni head coach Tim Cone.
“You can’t talk about it till it’s done,” sabi ng 56-anyos na si Cone, hangad ang kanyang ika-18 PBA championship at pangalawang PBA Grand Slam matapos igiya ang Alaska noong 1996.
Magtatagpo ang Mixers at Elasto Painters ngayong alas-8 ng gabi para sa 2014 PBA Governors’ Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Ang San Mig ang magiging ikaapat na PBA team na kukopo ng Grand Slam kung mananalo.
Ang maalamat na Crispa ni coach Baby Dalupan ang unang nagtala ng Grand Slam noong 1976 season at muli itong nakamit ng Redmanizers noong 1983 sa ilalim ni mentor Tommy Manotoc tampok si “Black Superman” Billy Ray Bates bilang import.
Ang San Miguel Beer ni Norman Black ang kumuha ng ikatlong Grand Slam noong 1989 kasunod ang Alaska ni Cone noong 1996.
Kinuha ng Mixers ang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-five titular showdown ng Elasto Painters matapos iposte ang 78-69 panalo sa Game Three noong Sabado.
Sinabi ni Cone na hindi nila iisipin ang Grand Slam hangga’t hindi nila tinatalo ang Rain or Shine sa serye.
“We can’t afford that as we’re facing the mentally strongest team that we can play. They just don’t break down,” wika ni Cone sa Elasto Painters. “They compete in every possession. You just continue to battle and can’t take a play off. The moment you do, you’re in trouble.”
Nauna nang nakatabla ang Rain or Shine ni mentor Yeng Guiao nang itakas ang 89-87 overtime win sa Game Two noong Huwebes.
Sinabi ni Guiao na inaasahan niyang magkakaroon ng Game Five sa Miyerkules para sa kanilang ‘winner-take-all’ match ng San Mig Coffee.
“We’re down 1-2 but I don’t think it’s the end. I don’t think it’s ending (Monday),” sabi ni Guiao. “We also fell behind 1-2 against Alaska and we won the next two games. We hope to do the same thing here.”
Sa kanilang kabiguan sa Game Three ay tanging si Best Import Arizona Reid ang naglista ng double fi-gure sa kanyang 31 points.
Kung gusto ng Elasto Painters na makapu-wersa ng Game Five ay dapat tumulong sina Jeff Chan, Paul Lee, Gabe Norwood, Beau Belga at rookie Raymond Almazan.
- Latest