Zombie Family (181)
KINABUKASAN ay sobrang tirik na ang araw.
Tuyung-tuyo na ang mga lalamunan ng dalawang palutang-lutang sa dagat.
Gutom at uhaw na nagpapabago ng takbo ng kanilang utak.
Or at least ng nakikita ng kanilang isipan.
“Herman! Herman! Ang daming bottled water papunta dito sa atin!”
“T-talaga?”
“Umabot ka na! Nandidito na sila! Bumubunggo na sa mga sinasakyan nating debris!”
“Sige, kuha na tayo!”
At nakita ni Herman na si Dindo ay hampas nang hampas sa tubig dagat sa kanyang tabi.
Parang may kinukuha. Nabubuwisit.
“Hindi ko sila mahuli-huli, e! Parang may sariling mga buhay! Ayaw nilang magpakuha sa akin! Tarantadong mga bottled water ito!”
Pero wala namang makita si Herman na mga bottled water.
Ang nakikita lang niya ay tubig lang naman ang hinahampas ni Dindo o inaabot.
“Niloloko mo naman ako, e! Nasaan ang mga bottled water na sinasabi mo? Kahit isa, wala naman, e!”
“Meron! Talaga lang mahirap kunin!”
“Tama na, Dindo, puwede ba? Lalo ka lang mapapagod niyan!”
Pero parang wala na sa sarili ang head ng task force, hampas pa rin nang hampas sa tubig-dagat.
Pati nga mga paa ay sinisipa na rin sa tubig.
Hindi na lang pinansin ni Herman ang ginagawa nito. Masyado na siyang pagod at nanghihina.
Para pakialaman pa ang head ng task force.
Pero napatingin siya sa direksiyon ng isla. At siya naman ang na-shock.
Dahil nakita niya ang mga nakalitaw na mga pira-pirasong Marga. Sa buong buhanginan nakakalat.
At unti-unting tumutubo ang mga ito, lumalaki.
“Dindo! Lumalaki na sila! Ang dami nila! Malaking teynga ni Marga, malaking labi ni Marga, malaking mata ni Marga!”
Pero para siyang hindi naririnig ng kasama. Hampas pa rin ito nang hampas sa mga alon. ITUTULOY
- Latest