Zombie Family (38)
SI Marga ay biglang tumayo. Kinabahan si Herman.
Gusto nitong lumabas ng yungib.
“Marga?!”
Tumingin sa kanya si Marga. Kikiwal-kiwal pa rin ang dila, mas mabilis. Palatandaang mas gutom na ito.
“Kakain ka ng tao?”
Para namang walang narinig ang zombie. Palatandaang malakas ito ay kaybilis lang na binuhat ang malaking batong nakatakip sa bunganga ng yungib.
Natigilan doon si Herman. “God … kaya pala niya talagang pumatay ng tao kahit dalawa tatlong sabay-sabay.”
Paglabas ni Marga sa yungib, mabilis na sumunod si Herman.
Hinayaan lang siya ng zombie.
At walang kahirap-hirap na hinila lang nito ang batong pampinto sa bunganga ng yungib.
Lumakad si Marga, mabilis, papunta sa labas ng city forest.
Takbo ni Herman ang katumbas ng lakad ni Marga.
“Marga! Nagdya-jogging ako but it’s so hard to keep up with you! P’wede ka bang bumagal nang konti man lang?”
Para uling walang narinig ang zombie.
O maaaring talagang dinidedma lang nito ang kanyang sinasabi. Malikot ang mga mata ni Marga, napakabilis pa rin ang pagkiwal-kiwal ng dila.
“My God … Marga! Sobra na ang gutom mo, ano? At kawawa ang mga taong makakasalubong natin!”
Ngumisi pa si Marga nang marinig iyon. At bigla itong huminto, luminga-linga, lalong bumibilis ang galaw ng dila.
May naaamoy ito. At sigurado si Herman na something na malalamon kaya kulang na lang ay mababaliw na halos si Marga.
Nang marinig nila ang ingay ng traysikel tapos huminto. May bumaba. driver at isang pasahero.
Pareho silang tumigil ni Marga sa paglakad at pagtakbo.
“Putsa … naputol nang tuluyan! Di na tayo aandar. At kulang ako ng mga gamit, hindi ko nadala sa tool box ko lahat.” Kakamut-kamot sa batok ang traysikel driver.
“Pahamak ka, Pablo! Paano ngayon ‘yan? Di ko maaabutan ang miting kina Kapitana. Hindi mo kasi mini-maintain nang maayos itong ipinanghahanap-buhay mo e.” Inis ang pasahero, papalapit naman ang panganib.
- ITUTULOY
- Latest