Zombie Family (07)
Gilda Olividado (Pang-masa) - February 22, 2019 - 12:00am

TATLONG aninong naglalakad sa hindi mataong daan. Isang babae, isang batang lalaki at isang batang babae.

Kakaiba ang pagla­lakad. Mabilis pero tuwid. Mula ulo hanggang paa parang naninigas kapag kumikilos.

Mala-zombie kaya nga lang mabibilis ang mga hakbang.

Nadaanan sila ng isang sasakyan na may dalawang sakay. Isang driver at isang pahinante.

“Napansin mo ba ‘yung tatlong ‘yon? Ang bilis ng lakad, a!”

“Pero naninigas, tuwid na tuwid!”

“Pare … may zombie bang kung maglakad ay mabilis?”

“Wala pa akong napanood na ganoon. Pero puro sa sinehan at tv lang ‘yon, hindi totoo!”

“Oo nga! Alam ko na, parang naglolokohan lang ‘yung mga ‘yon. Mga magnanay, ano? Isang nanay , dalawang anak.”

“Malamang. Laro lang nila ‘yon.”

“Oo nga pero huwag mo nang balikan, ha? Mahirap na.”

“Hindi siyempre.”

“Naalala ko tuloy, pare … ‘di ba may nawawalang mga magnanay na bangkay? Isang nanay, isang anak na lalake at isang anak na babae.”

“Huwag mong sabihin sa akin na palagay mo sila ‘yon?”

“Nakakakilabot isipin.”

“Bilisan mo na nga lang ang pagda-drive. Pambihira … tinatakot mo pa ako, e.”

PATULOY  na naglalakad ang tatlo.

Kapag nilapitan, kahit sa sinag lang ng buwan, mapapansin na mga sunog sila.

Ang mga buhok ay dinaanan ng apoy. Pati na mukha at ibang parte ng katawan.

Wala na ngang iba kundi si Marga at kanyang mga anak ito.

Dilat ang mga mata, bukas ang mga bibig, bahagyang lawit ang dilang sunog.

Patuloy sa paglalakad ng mabilis. Kakaiba ang kanilang tiyempo ng lakad.

Parang may hinahabol.

Biglang-bigla ang pagtigil nila. Sumisinghot-singhot. May naaamoy.

 Gumalaw-galaw ang kanilang mga dila, mabilis na paggalaw. Ang naaamoy nila’y nagpapagutom sa kanila. Itutuloy

ZOMBIE FAMILY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with