Pangalawang Anino (506)
MAY nararamdamang lungkot sina Alona dahil alam nilang hindi pa makakalabas sa kulungan ng banal na bundok si Yawan.
Dahil kahit gumanda na ito, pagdating kay Arturo ay sakim pa rin.
Pagdating sa pag-ibig ay makasarili pa rin.
“Palabasin n’yo na ako rito!” Sigaw na naman ni Yawan.
“Anak, mag-isip-isip ka muna riyan. Hanapin mo ang puso mo. Ang patawad. Ang pagpapakasakit. Alam mo, ang tunay na pagmamahal ay pagbibigay ng kalayaan sa iyong minamahal kung ano ang gusto ng sarili niyang puso.”
“At si Arturo ay hahayaan ko lang na laging si Nanette ang minamahal?”
“Dapat ganoon.”
“Pero, Inay ... ang tagal nang nagdudusa ang puso ko. Kapag naiisip ko si Arturo, nasasaktan ako. Kapag nakikita ko siya, lalo akong nasasaktan. At pagod na akong masaktan. Ayoko na!”
Naawa ang tatlo kay Yawan.
Pero alam nilang dapat nitong madaanan ang proseso ng pagbabago.
“Anak, kukuha na lang kami ng mga masasarap na prutas para makakain ka.” Nakangiting alok ni Alona.
“Manghuhuli rin kami ng isda ni Angela para maluto namin at matikman mo ang sariwa at masarap na isda.” Sabi naman ni Alona.
Nanlisik ang mga mata ni Yawan. “Hindi pagkain ang sagot ng nararamdaman ko. Huwag na kayong magpagod!”
Hindi iyon pinatulan ni Alona. “Magpahinga ka lang diyan sa loob, anak. Tingnan mo ang paligid mo, bigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili na ma-appreciate ang kagandahan nito. At ... ang pinakaimportante sa lahat, makinig ka ...”
“Ano’ng pakikinggan ko rito?”
“Meron, anak. May maririnig ka. Mga awit ng ibon ... kapag ang mga awit nila ay nakarating na sa puso mo ... baka sakaling bubukas na ang pinto ng kulungan.” Makahulugang sagot ni Alona.
Nakangiting nagkatinginan sina Alona at pangalawang anino.
Alam nila na totoo iyon. Dahil iyon mismo ang kanilang naranasan.
Matigas pa rin si Yawan, umupo itong Indian style sa sahig ng kulungan.
“Ang tigas ng sahig dito. Kulungan ng parusa talaga ito, hindi kulungan para bumuti ang isang nilalang!”
Itutuloy
- Latest