Pangalawang Anino (476)
KAHIT paano, napanatag sina Alona at Yawanaya.
“Nakikita ko ho na masaya kayo dito. Natutuwa ho ako.”
Nagkatinginan sina Alona at Yawanaya.
Hindi naman nila maikailang totoo ang sinabi ni Nanette.
“Oo, masaya na kami dito. Nakalaya kami mula sa aming mga kulungan nang kusang bumukas ang mga pinto.”
“At bumalik na ho ang dati ninyong itsura, Aling Alona. Pati si Yawanaya, isa siyang pangalawang anino na hindi na nakakatakot.”
“Hindi na kami aalis dito.”
“Gusto ko ho ‘yon. Mag-iingat lang ho kayo sa tukso.”
Natigilan sina Alona at Yawanaya.
“Lugar na ito ng inyong mabuting Diyos. May tukso pa rin?”
“Hindi matatapos ang laban ng kabutihan at kasamaan. Kahit ang banal na bundok at lupa ay pangangahasan pa ring kapitan ng kasamaan. Kaya ho, maging matatag kayo.”
“Huwag kang mag-alala, Nanette. Hindi na kami basta-bastang maaakit ng kasamaan.”
Malungkot na tumingin si Nanette kay Yawan. “Hindi ko ho inaasahan na yayakap pa sa masamang puwersa si Yawan. Pero ... may mga mapanlinlang ho talaga. Kaya nasaktan siya at agad tumalikod sa magandang pagbabago.”
Napabuntong-hininga si Alona. “Hayaan mo, kapag nagising siya, papayuhan ko siya.”
“Nakakatuwa ho pag ginawa ninyo. Iyon talaga ang kailangan ni Yawan. Gabay ng isang mabuti nang magulang.”
“Pero tulad namin, kusang bubukas ang pinto ng kanyang kulungan ... kapag may kabutihan na uli sa kanyang puso. Tama?”
Tumango si Nanette. “Tama ho, Aling Alona.”
“Sige, hihintayin na lang namin.”
“Kung nagawa namin, mas lalong magagawa ni Yawan.” Puno rin ng pag-asa ang tinig ni Yawanaya. “Magpapaalam na ho kami, aalis na kami ni Arturo.”
“Sige po, Aling Alona at Yawanaya. It is good seeing you again po. Pasensya na po kung naging isa ako sa mga dahilan kaya yumakap uli sa kasamaan si Yawan. Pero alam ko ho na magbabago siya uli. Magiging mabuting nilalang ho uli.”
Malungkot na tumango si Alona. “Sana nga.”
Itutuloy
- Latest