Pangalawang Anino (447)
KUMUHA ng tray si Lucifereo/waiter at nilagyan ito ng dalawang basong tubig.
Saka lumapit sa table nina Nanette at Arturo.
“Water, Ma’m, Sir.”
“Uhm, meron kami, waiter.” Nakangiting sinabi ni Nanette.
Napatitig si Lucifereo sa napakaganda at napakaamong mukha. Na ang ngiti ay parang humahaplos sa kanyang dibdib.
Napansin naman ni Arturo na hindi matanggal-tanggal ng waiter ang mga mata sa mukha ni Nanette.
Napreskuhan si Arturo. “Excuse me, waiter. Hindi ko naman natatandaang humingi kami ng tubig, a.”
“Ah, Sir ... akala ko kasi hindi ko pa kayo nabigyan.”
“Makakalimutin ka?” Pinormalan pa nang husto ni Arturo ang waiter na hindi nila alam ay ang prinsipe pala ng mga demonyo.
“Hindi naman. Sorry, Sir. Huwag kang magalit, konting pagkakamali lang naman.”
“Ang pagkakamali, konti nga. Pero hindi ko gusto na halos nakawin mo na ang mukha ng kasama ko.” Nilakasan at ibinagsak ni Arturo ang boses niya.
Nag-alala tuloy si Nanette.
Ayaw niya ng away. Ayaw niya ng may nagagalit.
“Arturo, huwag mo na itong palakihin. Wala naman siyang ginawa na hindi natin kayang patawarin. Kaya huwag ka nang magalit.”
“Nanette ... tingnan mo nga ang itsura ng waiter na ito, o. Mukha ba siyang humihingi ng dispensa. Hindi. Kung makatingin, parang siya talaga ang tama.”
“Please, Arturo. Magpasensya ka na lang.”
Kumalma naman si Arturo. “Sige na. Kalilimutan ko na lang ang ginawa mo. Huwag mo na lang ulitin.”
Ni hindi sumagot ang waiter na si Lucifereo pala.
Taas-noo at liyad na umalis, dala ang wala nang lamang tray.
Hindi napigil ni Arturo ang mag-comment. “Grabe. Parang hari ang tindig, a.”
Nangiti na lang si Nanette. “Hindi naman, para lang prinsipe. May mga tao talagang ganyan, Arturo. Siguro, naniniwala silang higit sila kaysa ginagawa nilang trabaho. Pero huwag mo nang patulan, okay?”
“Ano ba ang dapat gawin sa mga ganyang klase?”
“Ipagdadasal na lang. Ganyan ang ginagawa ko.” Sagot ni Nanette na matamis ang ngiti at natataranta ang puso ni Arturo. Itutuloy
- Latest