Pangalawang Anino (429)
DAHIL nasa ikalimang floor pa lang ng ginagawang building si Arturo, naituro sa kanya ng tauhan ang isang babaing mahaba ang damit, mahaba ang mga manggas at nakatalukbong ng mahaba ring bandana.
“Hayun, Engineer ang naghahanap sa inyo.”
Nawirduhan ang totoong Arturo. “Masyado namang nakabalot, sino raw ba siya?”
“Ayaw namang sabihin, e. Palagay ko, matanda. Baka kamag-anak ninyo.”
“Sige, mauna ka na. Bababa na kamo ako. May ibibigay lang akong instructions sa mga tao dito.”
“Okay, Engineer.”
Lumukso ang puso ni Yawan sa sinabi ng tauhang napagtanungan at umakyat pa sa itaas.
“Bababa na ho si Engineer Arturo.”
Hindi naman nagtagal at nagkaharap na ang dalawa.
“Ano ho iyon?”
“Arturo ...”
Hindi nakilala ni Arturo ang boses. “Sino ho ba sila?”
“Hindi mo ako nakikilala kahit kailan lang naman tayo nag-usap doon sa beach?”
Natigilan si Arturo.
Nabosesan na niya.
“Yawan?”
Tuwang-tuwa si Yawan, hindi na napapansin na may takot sa itsura ni Arturo kahit hindi pa nito nakikita ang kanyang mukha.
“Ako nga ito. Nandidito ka lang pala. Kaya naman pala hindi na kita nakikita sa beach.”
“Ano ang kailangan mo, Yawan?”
“Bakit ka naman ganyan magtanong? Nakalimutan mo na ang usapan natin sa tabing-dagat? “
“Tabing-dagat? Teka nga, bakit ka ba ganyang sobrang nakatalukbong at balot na balot ang katawan mo?”
“Alam mo na kung bakit. Nakita mo na ang itsura ko ngayon. Pero hindi ‘yon naging dahilan para itaboy mo ako. Puso ko na ang nakikita mo. Iba na ang koneksiyon natin ngayon, Arturo. Hindi na mahalaga ang itsura kundi damdamin na.”
Walang epekto kay Arturo ang mga salitang iyon dahil wala siyang alam. “Yawan, umalis ka na.”
Itutuloy
- Latest