Pangalawang Anino (428)
“Aalisan uli kita ng maganda mong itsura! Gagawin naman kitang bato!” Banta ng amang demonyo.
“Gawin mo na lang kaya akong ilog para malunod ko na kayo!”
Napuno ang amang demonyo.
Kumumpas at binago uli ang itsura ng anak.
Naging bato nga ito.
Napailing si Tagapag-alaga. “Hari ng kadiliman, pinapatulan mo, anak mo ‘yan, e! Nagagamit mo siya! Mauubusan ka na ng kakampi!”
Ang napagbalingan ng galit ng haring demonyo ay ang Tagapag-alaga. “Bakit, pati ba ikaw ay may balak nang sumuway sa akin?”
“Hindi ko naman gagawin ‘yan. Hindi ‘yan mangyayari.”
“Huwag ka na lang makialam. Hayaan mong maging bato ang suwail na ‘yan!”
“Hanggang kailan?”
“Hanggang hindi siya makiusap sa akin na ibalik ko siya sa dati.”
“Baka gusto lang niya ‘yang ganyan. Walang ginagawa. Nasa isang tabi lang.”
Ngumisi ang hari ng mga demonyo. “Ganoon ba ako katanga? Na bigyan siya ng parusa na hindi siya mahihirapan?”
Napatanga ang tagapag-alaga. “Mahihirapan siya?”
“Nakatalungko lang siya, mangangalay siya!”
Napailing ang tagapag-alaga, tinapik-tapik ang bato. “ Dapat ka ngang mag-isip-isip, Lucifereo kung ano ba talaga ang dapat mong gawin bilang anak ng hari ng kadiliman. Hindi ko ma-imagine ang sarili kong nakatalungko lang.”
Nasa Maynila na si Yawan.
Ganoon pa rin ang kasuotan. Nakamahabang damit. Mahaba ang mga manggas. At nakataklob ang malaking bandana sa ulo at mukha.
Natunton niya ang pinagtatrabahuan ng tunay na si Arturo.
Na wala pa siyang kaalam-alam na wala itong kinalaman sa pagkikita at pag-uusap nila ni Lucifereo na nagpanggap na Arturo.
BISING-BISI si Arturo sa kanyang trabaho bilang engineer sa tinatayong bulding sa global city.
Lumapit sa kanya ang isang naka-hard hat din na trabahador.
“Sir, may naghahanap po sa inyo pero nasa ibaba po ng building. Nakiusap nang husto na ipaalam ko sa inyo na nandidito siya.”
“Sinong siya?”
“Yawan daw po ang pangalan niya, Sir.”
Kinilabutan ang tunay na Arturo. Itutuloy
- Latest