Pangalawang Anino (397)
PARANG lumulutang sa hangin si Yawan sa katuwaan.
“Talaga, Nanette? Pumapayag ka kung sakaling iibigin na rin ako ni Arturo?”
“Wala nang dahilan para tumanggi ako. Malaya na siya sa aming relasyon noon. Kung ikaw ang kanyang mamahalin, suporta ako sa inyo.”
Sa sobrang kaligayahan niyakap ni Yawan si Nanette.
Yumakap din si Nanette sa kapatid sa ama.
Masaya ang dalawa na nangyayari ito. Hindi nila ito pinangarap noon. Pero ngayon posible na ang lahat.
Naluha pa silang pareho.
“Ang tagal nating magkaaway, puwede naman pala na maging malapit tayo sa isa’t isa bilang magkapatid, Yawan.”
“Ang bait-bait mo. Bakit ba kita pinahirapan noon?”
“Hindi mo naman kasalanan ang lahat. Makapangyarihan ang lumukob sa iyo noon kaya ka naligaw ng landas. Ngayon naman, lumalakad ka na sa tama.”
“At sa paglakad ko dito, nakasalubong ko si Arturo. Hindi ako makapaniwala na magkikita kami dito. Meron lang daw siyang inaasikasong lupang binibili.”
“Mabuting tao si Arturo, Yawan. Napakasuwerte mo.”
“Mahal mo pa siya?” Nasasalamin iyon ni Yawan sa mga mata ni Nanette pero hindi siya galit o nagdaramdam.
“Mahal ko na ang lahat na tao mula nang maging banal ako. Ke mabuti, ke masama. Kaya ang pagmamahal ko kay Arturo ay parang gano’n na lang.”
Lalong natuwa si Yawan. “Salamat talaga, Nanette. Pingas-pingas nga ang mukha ko at katawan pero baka nga liligaya pa rin ang puso ko.” - ITUTULOY
- Latest