Pangalawang Anino (372)
Inumpisahan ng pangalawang anino ang pagkain ng bagong putahe.
Isang kagat muna, maliit.
Lunok.
Ngumuya.
Nanlaki ang mga mata.
Lalo pang tinakam ang sarili. Liniitan lalo ang pagkagat.
“Hummmmnnn...”
Liit na naman ng pagkagat. Kagat. Maliit.
Hanggang hindi na matiis ang sobrang takam. Inisang subo, halos mamuwalan.
Dahil may mga mata na, kitang nanlalaki at halos maduduling dahil parang inakyat sa ituktok ng bundok sa kaligayahan ng kanyang taste experience.
Saka sumigaw. “Gusto ko paaa! Moooore! Mooooore!”
ANG lahat na ito ay alam at nararamdaman ng panginoon ng kadiliman. Pati ni Tagpag-alaga.
Nagbubunyi sila.
“Sabi ko na sa ‘yo, Tagapag-alaga! Ibang klase itong alas natin ngayon! Maghahasik siya ng napakatinding lagim!”
“Hari ng kadiliman, iba pala talaga ang foresight mo!”
SINA Nanette, Angela at Ariel ay nakikipagmiting kay Father. Walang kaalam-alam sa malagim na balak ng prinsipe ng kadiliman.
Na si Angela ay gagawin ding tulad ng pangalawang anino. Malupit. Mapanganib. Isang nilalang na magdudulot din ng walang katulad na lagim.
“May balita na ng tatlong kabataang namatay sa malagim na paraan. Hindi ako maghihinalang kagagawan ito ni Yawan. Pero si Yawanaya ... siya ang suspect ko dito. Kung kailan kasi siya umalis sa simbahan ay saka nangyari.”
“Nanette, iyan din ang kutob ko, e. Bilang kabahagi rin ako nina Yawan at Yawanaya, nararamdaman ko ang kilabot. Nanginginig ako, may kakaibang takot. Paano natin siya mapipigil?”
“This is another battle. Lagi naman talaga. Matitigil lang sandali. Pero maglalaban uli ang kabutihan at kasamaan.”
“At ikaw lamang ang pag-asa, Nanette.”
“Hindi lamang ako. Hindi puwedeng ako lang. Kailangan ko rin ang tulong ninyo. Lalo na ang panalangin na napakarami.”
“Bakit parang ... mas nabibigatan ka sa labang ito? Mas nakakatakot ba ang pangalawang anino?” tanong ni Ariel.
Itutuloy
- Latest