Pangalawang Anino (360)
MAHIMBING na natutulog si Nanette.
Walang kaalam-alam na nakatayo malapit sa higaan niya si Yawan. Titig na titig, halos hindi kumukurap.
Nagsasalita sa sarili.
Bakit kaya kahit alam niyang masama ako, malupit ako, nakakatulog pa rin siya nang ganyan kahimbing?
Talaga bang ganyan siyang magtiwala, lubos?
Nakakahanga. Pero nakakainis din.
Ano kaya kung patunayan ko sa kanya na masama rin ang sobrang magtiwala?
Ano ba’ng puwede kong gawing kasamaan sa kanya? Pingasin ko rin kaya ang kanyang magandang mukha?
O kaya tanggalin ko ang isang boobs niya para pingas na rin ang kanyang magandang katawan.
Hindi naman gumawa ng kasamaan si Yawan. Basta’t patuloy lang na tinititigan ang kapatid sa ama.
Hanggang sa siya ay inaantok na rin.
Natulog siya sa sahig, nilagyan niya ng makapal na kumot at unan.
Nagising siya dahil ginigising siya ni Nanette.
“Yawan, bakit naman diyan ka natutulog sa sahig?”
“Ha? Nasa kama ka, e. Noong wala ka, nag-iisa lang ako diyan ako sa kama natutulog.”
“Pero pandalawahan naman ang kamang ‘yan. Puwede tayong magkatabi, hindi naman masikip.”
Natigilan si Yawan. “Okay lang sa iyo ‘yon? Na katabi ako?”
“Bakit naman hindi?”
“Pero pingas-pingas ako at saka ... hindi ba napakasama ko? Marami na akong pinatay ...”
“Hindi naman puwedeng dahilan ‘yon para matakot na ako sa iyo. Ang kailangan ay tiwala. At tiwala ako sa ‘yo.”
“Paano kung ... hindi pala ako mapagkatiwalaan?”
“Huwag uunahin ang pagdududa kundi pagtitiwala. Uusog na lang ako doon sa bandang kanan para makahiga ka nang maayos sa kama. Okay?”
At parang walang anuman na natutulog uli si Nanette matapos umusog nang konti pa doon sa kanan. - Itutuloy
- Latest