Pangalawang Anino (296)
PANGALAWANG ANINO - Gilda Olividado (Pang-masa) - December 15, 2017 - 4:00pm

LUKANG-LUKA naman si Yawanaya sa sinabi ni Yawan na gagawa sila ng mga milagro na ang makikinabang ay mga taong madasalin.

“Wow! Kapag napa-level up mo na nga nang ganyan ang kapangyarihan mo, Yawan ... ang saya-sayaaa! Magiging hero tayo sa mga mata ng mga tangang madasalin!”

“Makakagawa ako ng mga milagrong tulad ng paggamot ng mga may sakit, pagpapalakad ng naka-wheel chair at makakapagturo ako kung nasaan ang mga nawawala para matagpuan ng mga naghahanap.”

“Sasambahin ka nila! Gagawin ka nilang santa, Yawan! Teka, gusto ko kasali rin ako diyan! Dapat gawan mo ng paraan na marunong din akong gumawa ng miracles!”

“Sige, kaya ko naman sigurong gawin na tapunan ka ng konti ng kapangyarihan ko para bumilib din sila sa iyo.”

“Yeyyy!”

KINABUKASAN uli ay nagbalik ang mga madasalin para makipagdasal kina Yawan at Yawanaya.

Naniniwala kasi sila na kapag lalo pang bumait ang dalawa ay talagang malaki ang ikakatahimik ng kanilang lugar. At least, si Alona na lang ang problema nila.

“Magandang umaga sa inyo, Yawan at Yawanaya. Nandidito uli kami para makipagdasal sa inyo.”

“Oo naman. Payag na payag kami na magdadasal tayo rito araw-araw. Pero para sa araw na ito at sa mga susunod pa, hindi lamang pagdadasal ang mangyayari.”

“Ha? Ano’ng ibig mong sabihin, Yawan?”

“Dapat makatulong na rin ako sa inyo. Bukod sa pagtulong ng pera, dapat makagawa rin ako ng pagpapagaling sa mga may sakit at may kapansanan. At kung may nawawala kayong mahal sa buhay, tutulong ako sa paghahanap, malalaman ninyo kung nasaan sila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ko na ngayon ay masasabi ko nang nagmumula sa kabutihan. Dahil tumalikod na kami sa hari ng kadiliman, sa kasamaan.”

Tuwang-tuwa ang mga tao.

May mga umuwi kaagad at dinala sa kulungan nina Yawan ang mahal sa buhay na may sakit.

Ang unang pasyente ni Yawan ay isang batang babaing may malaking bukol sa leeg. Hinipo niya ang bukol at nagdasal. Ang hindi nga lang alam ng mga tao, sa masamang diyos pa rin siya nagdasal.

At bigla na lang nawala ang bukol sa leeg ng bata.

- ITUTULOY

 

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with