Pangalawang Anino(174)
HINDI makapaniwala si Nanette na nasa harapan niya ang kaluluwa ni Inang Maria.
Nakakasilaw ang liwanag mula dito.
“Inang Maria ...”
“Alam ko ang nangyayari. At nababahala ako.”
“Bakit po nagkakaganito? Akala namin natatalo na sila ng kabutihan pero lagi silang nakakabangon. At mas nagiging makapangyarihan pa si Yawan.”
“Huwag kang magtatampo, Nanette. Ang kasamaan ay hindi talaga madaling labanan. Pero hindi tayo pababayaan ng Diyos.”
“Marami na po silang winawasak. Ang palayan nina Arturo, ang mga matatanda nang punong-kahoy. Marami pa silang isusunod tiyak.”
“Alam ko, kaya nga bumaba ako. Nanette, ikaw ang puwedeng lumaban kay Yawan.”
“Paano? Makapangyarihan siya. Eh, ako?”
“Magkakaroon ka ng kapangyarihan. Mabait ka pero kailangan mong magpaka-banal para magkaroon ka ng kapangyarihan.”
“Katulad ninyo?”
“Oo, Nanette. Kaya nakakalikha ako ng banal na tubig dahil tinahak ko ang buhay ng kabanalan.”
“Paano po ‘yon? Hindi ba sapat ang kabutihan para maging banal?”
“Higit pa doon ang kailangan, ineng. Kailangan mong magsakripisyo. Hindi ka puwedeng umibig.”
“Ho? Paano kami ni Arturo?”
“Makamundo ang pag-ibig, Nanette. Hindi masama pero hindi puwedeng tuntungan ng kabanalan.”
“Ano po ang tuntungan ng kabanalan, Inang Maria?”
“Sakripisyo. Pag-iwas sa mga bagay na magdudulot sa iyo ng makataong kaligayahan. Dapat ang iyong gagawin ay para sa lahat. Para sa ibang tao. Para sa mga hayop. Para sa mga tanim. Hindi puwede ang para sa sarili mo lamang. Hindi puwede ang para sa pamilya lamang.”
“Parang ... pari ... madre ... mongha ... monks?”
“Higit pa sa kanila.”
“Kaya ko ho ba ang buhay na pinanggalingan ninyo, Inang Maria?”
“Makakaya mo. Pero naaawa naman ako sa iyo. Napakabata mo pa. Para bawian mo ang sarili mo ng mga kaligayahan bilang tao.”
ITUTULOY
- Latest