Vice Ganda, iisa na lang ang sasakyan!

Marunong magtipid
Ang pagtitipid ang isa sa mga nabuksang topics during Vice Ganda’s recent informal chit-chat with some members of the entertainment media.
Natanong siya kung ang gaya ba niyang may masasabing financial freedom ay nagtitipid rin gaya ng mga karaniwang tao lalo pa’t may energy crisis ngayon sa bansa. “Ay, oo, matipid ako!” agad niyang proklama. “Hindi na ako nagpapalit ng sasakyan. Isa nalang ang sasakyan ko ngayon.”
Sa bahay naman daw ay hindi rin siya pala-aircon dahil lamigin siya kaya sapat na raw ang bentilador.
Pero nang may tumukso na kaka-splurge lang umano n’ya ng luxury items sa Japan nang bumisita siya roon recently, hindi naman nag-deny ang Unkabogable It’s Showtime host. “Gini-give ko rin naman [sa sarili ko] ‘yon,” paglilinaw niya. “Pero ‘pag nag-shopping ako, Sinisiguro kong mababawi ko. Kailangan nababawi ko siya. Naiinis kasi ako ‘pag nakikita kong nababago ‘yong [balanse sa] bank account ko. ‘Pag bumababa.”
Bago raw siya magpakawala ng pera, inaalam muna niya kung may papasok siyang raket, kung saan ang kikitain niya ay siyang pansalpak niya sa gagastahin pa lang niya.
At ganoon din daw ang turo n’ya sa mga kaibigan niyang beki lalo na ‘yong mga nagtatrabaho sa kanyang Vice! Comedy Club. Pangunahing advice raw niya ang magtipid at mag-ipon.
“Talak ko ‘yon sa lahat sa mga kaibigan ko... kila MC (Muah), kila Lassy... sa lahat ng malalapit sa akin. Nag-uusap kami. ‘O, magkano na pera n’yo? O hindi na p’wedeng bumaba ‘yan, ha. Magmula nang naging milyonaryo kayo, hindi na kayo p’wedeng maging hindi na milyonaryo. Kailangan ‘yon ang minimum n’yo. Kailangan sa susunod, multi-millionaire na. Hindi na p’wedeng bumaba. Kaya kailangan, tipid-tipid.’”
He takes the financial advisor role seriously raw sa kaibigang bekis na rin sa nakita niyang hindi naging magandang buhay ng mga nauna sa kanila.
Kaya ‘pag meron daw pasaway at kinakapos pa rin sa pera ay binibigyan muna niya ng matinding leksyon.
“Unang-una, sa lahat ng comedy bar, pinakamalaking pasweldo [sa mga stand-up comics] ‘yong sa akin, sa Vice Comedy Club.
“Paano kayo maghihirap, e, wala naman kayo mga pamilya lahat? Ang lalaki pa ng tip. Nagkaka-tip sila P200,000 a night (na paghahatin ng lahat). Ang laki! Bukod pa sa mga table-table... tapos may incentive pa sila sa amin. Kasi ‘yong kung ikaw ang nagpapasok ng tao, may incentive ka.
“Kaya ang mga bakla, agawan online sa (pag-iimbita ng) mga customers. ‘Call me for guaranteed seats.’ May incentive sila. Ang dami talaga nilang kinikita. Tapos ang lakas ng raket [outside comedy bar]. Kaya there’s no way na p’wede kang maghirap. Kaya ‘pag me nangyari sa’yo, kasalanan mo ‘yon.”
Gayundin naman daw ang advice niya sa asawang si Ion Perez.
“‘Mula nang naging milyonaryo ka, hindi ka na p’wedeng hindi maging milyonaryo,’” pag-uulit niya sa kanyang financial mantra.
“Pero hindi rin nakakapagtaka na makaipon siya kasi ang lifestyle niya napaka-simple. Wala siyang bisyo. Hindi lumalabas, hindi umiinom. Ang barkada niya lang ‘yong community niya sa biking. ‘Yon lang,” proud na tsika niya about Ion.
At dahil daw sa simpleng pamumuhay ni Ion, nagagampanan nito nang maayos ang mga tungkulin sa kanyang pamilya sa Tarlac. “Hindi siya sole breadwinner.” Agad na pagtatama ni Vice. “Kasi ‘yong mga kapatid niya may mga trabaho naman. And bago siya, ‘yong ate niya ang talagang breadwinner sa pamilya nila. ‘Yon ang talagang tumulong sa kanya, sa buong pamilya nila talaga kaya mahal na mahal niya ‘yong ate niya.
“Ngayon, he knows na it’s his time to give the biggest bulk kasi siya ‘yong kumikita, siya ‘yong rumaraket... mas marami siyang raket. Hindi siya inoobliga pero siya ‘yong nagkukusa.”
- Latest



















