Pagka-bankrupt ni Aga, ‘di pa limot ng financial guru

Tatlong aktor ang idol ng financial guru na si Chinkee Tan pagdating sa husay sa paghawak at pagpapalago ng pera.
Si Chinkee ang naimbitahang maging speaker kahapon sa ginanap na Pandesal Forum ng historic Kamuning Bakery ni Wilson Lee Flores kung saan ay nagsalita siya tungkol sa financial independence, money tips, and success strategies.
Dito ay nabanggit niya na may tatlo siyang hinahangaang aktor in terms of handling their finances.
Una niyang binanggit si Aga Muhlach na nakasama raw niya sa ilang proyekto noong nag-aartista pa siya.
Kwento ni Chinkee, noong bata pa raw si Aga ay na-bankrupt ito dahil hindi pa raw marunong humawak ng pera ang aktor. Pero natuto raw ang aktor dahil nang makabangon ito ay nag-invest sa property.
“Ang unang investment niya, sinabi niya sa akin, lupa. He bought properties. Ang second investment niya na alam ko, mga franchise,” kwento ni Chinkee.
Alam na raw natin kung ano ‘yung franchise na malapit kay Aga na as we all know ay ang ine-endorse niyang Jollibee.
Bukod pa rito ay napakarami raw koleksyon ng aktor ng mga painting na siyempre ay investment din talaga.
“Sobrang daming paintings ni Aga,” pagbabahagi niya.
“Ngayon, may yate na siya,” dagdag pa niya.
Isa pa raw hinangaan niya ay nag-branch out ito sa pagpo-produce at nag-co-produce sa pelikulang pinagbidahan din niya, ang Miracle in Cell No. 7 noong 2019 na nag-hit sa box-office.
Ang pangalawang aktor na binanggit ni Chinkee ay si Richard Gomez.
“Si Richard naman, sobrang ano rin, pardon me for this word, very shrewd but very wise. Sobrang galing nu’n. Magaling mag-invest. Sa property naman siya lumaki,” sey ni Chinkee.
Ang pangatlo sa mga hinahangaan niya ay si Coco Martin.
“Kasi si Coco, may cash cow siya, eh,” aniya na ang tinutukoy ay ang mga sunud-sunod na action series ni Coco tulad ng FPJ’s Ang Probinsiyano at ang umeere ngayong FPJ’s Batang Quiapo.
Mula sa pagiging bit player ay umasenso ito nang bonggang-bongga at naging direktor/producer at ngayon ay may negosyo nang dishwashing liquid.
Samantala, si Chinkee ang pinakaunang line-up ng Speaker Series ng Kamuning Bakery sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng naturang iconic bakeshop.
Kasunod naman niya ay ang novelist and professor na si Danton Remoto on June 21 Saturday, 1 p.m., na magsasalita naman on Writing Fiction & How to Get Accepted by a Global Publisher.
- Latest