Coco, ‘wanted’ sa dating sexy star na si Klaudia Koronel

May message ang former sexy actress na si Klaudia Koronel kay Coco Martin na kasalukuyang nasa bansa para dumalo sa high school graduation ng kanyang adopted son.
Aminado si Klaudia na kung may chance, handa siyang mag-showbiz comeback. At ang bet niya if ever, mapanood sa FPJ’s Batang Quiapo. Kaya lang hindi pa niya personal na nakikilala ang actor / director.
Kaya may message na lang siya kay Coco nung magkaroon kami ng chance interview sa kanya sa Kamuning Bakery. “Co, baka naman... Gustung-gusto ko ‘yung makulit na comedian. Kayang-kaya ko ‘yun,” sabi ni Klaudia na matagal na ring naninirahan sa Amerika at diborsyada sa American-Chinese husband.
So, kamusta ang buhay sa America? “Mahirap na masarap. Ayun lang naman ang ginagawa ng mga Pilipino, ‘di ba, mag-work para mag-provide ng need ng family. Mahirap pero masaya kasi nakakatulong,” masaya niyang banggit.
Pero aniya ay hindi siya nag-regret na ginive up niya ‘yung showbiz career tapos nag-nursing aide sa US. “Of course sa simula, hindi naman maalis ‘yun sa isang nag-artista before na laging iniisip ‘yun. Kasi iba ang showbiz sa normal na citizen sa America. Hindi maalis talaga kasi ang layo.”
Pero anong mga struggle mo nung nag-start kang mamuhay sa America? “Ang struggle ko ‘yung kung paano ko in-adjust ‘yung sarili ko mula sa showbiz sa isang normal citizen lang kasi iba ‘yung trabaho sa showbiz. ‘Yung as in kailangan mo, ikaw lahat. Walang Dodong, walang Inday, walang driver, wala lahat. Iba ang buhay doon. Taon din bago ako maka-adjust. Syempre may time rin na nalulungkot ka, nadi-depress ka sa pagod ang complain mo dun. Sa showbiz lagi kang nagpapaganda, lagi kang nag-aayos. Nagpupuyat ka pero hindi pagod ‘yung katawan mo. Sa America kasi pagod ‘yung katawan mo. Mga tao doon two jobs. So taon din bago nakapag-adjust,” pag-amin niya niya pa.
Pero may time ba na gusto mo na nung sumuko? Mag-give up doon sa tapos bumalik sa Pilipinas?
“Yeah, nung huli lang eh. Kasi two jobs ako. May ‘pag gabi ako, may pang-araw ako.”
At lahat aniya ng klase ng trabaho ay napasukan na niya: “Sa opisina, sa company ng mga vitamins, Amazon, lahat. Lately lang nag-work ako sa office pero dahil nga bumalik na naman ako sa caregiving kasi meron akong bata rito na sinusuportahan, binata na ngayon. Mula nung bata kasi, ‘yung anak ko ‘di ba. So, kung halimbawa, may mga emergency, paano mo masasagot ‘yung pangangailangan nila kung bawal sa office, bawal ‘yung sa company ‘yung cell phone. ‘Yung caregiving lang talaga ang mas maraya. Kasi mostly sa bahay. ‘Pag merong patay na oras, pwede mag-contact sa family mo, mga pangangailangan nila. Sa tingin ko lang, ‘yun ang madali sa akin. Hindi ko kinahihiya ‘yun. Dahil tinry ko naman mag-work sa office,” pagdedetalye niya sa mga ginagawang trabaho.
Bagama’t may pagkakataon daw talaga na gusto na niyang sumuko. “Alam mo kung hindi lang ako siguro sanay sa mga pagsubok sa buhay baka nag-give up na ako. Mahirap lalo ‘pag mag-isa ka sa America.”
Pero ang hindi pa halos nawawala sa isip niya ay nang magkasunog sa Los Angeles noong February 2025.
Kamusta pala ‘yun? Affected ba kayo? “Oo. Nasusunog na ‘yung buong paligid. Kasi nung nagkaroon ng sunog talagang nakakatakot. Nabalitaan n’yo naman siguro. Hindi ko naman ini-expect na makakarating sa lugar kung saan ako nagtatrabaho. Kasi nasa likod lang siya ng bahay. Kung mismong mararanasan mo, parang end of the world na.
“Na biglang parang sinasadya na... I don’t know ayoko lang magsalita pero parang ganun. Nagkakaroon ka na ng trauma. Kasi, dalawa ‘yung patient ko. So sa tingin ko parang anytime meron na naman dito. Nakakatakot...”
Pero ‘yung presence of mind na iligtas mo ‘yung patient?
“Kasi kapag nag-work ka sa healthcare, hindi lang naman ‘yan ang naging trabaho ko. Nagkaroon ako ng business na care home. So kailangan, sa mga nangyayari ‘pag may healthcare ka, kapag may emergency, dapat present ‘yung mind.
“Halimbawa, bumagsak ‘yung pasyente, anong gagawin mo. Na-train na siguro ako sa business namin noon. Na kapag nagkaroon ng emergency, una, anong gagawin mo. Merong protocol, may gagawin ka. Pero iba kasi ‘yung sunog. Kasi ang iba dun, nangyari dun na-stuck sila sa daan. So paano ka tatakbo? So kailangan, presence of mind na kung dumating ‘yung apoy, isipin mo kung paano ka makaka-exit. Kapag naka exit ka, paano mo ngayon ililigtas ‘yung sarili mo. ‘Yung time na ito, ang lakas pa ng hangin. Sobrang lakas,” dagdag niyang pag-aalala sa malaking sunog na nasaksihan.
At saka niya naalala na takot na takot siya that time.
“Takot na takot ako nu’n kasi nga, ‘yung place na pinagtatrabahuhan ko doon din ako natutulog. Kumbaga trabaho sa araw, doon din ako natutulog. Kapag nawala ‘yun, kumbaga ‘yun ang W2 ko eh. W2 ‘yung legal mo na trabaho na matitirahan mo nawala na. Prayer lang talaga na mula sa puso na sasabihin mo na iligtas ka, na huwag masunog ‘yung bahay dahil kailangan mo ‘yung trabaho.”
May trauma ka pa up to now? “Oo, lalo kapag ‘yung umiinit ‘yung panahon, tag-araw, feeling mo may masusunog. Saka iba na ‘yung nangyayari, parang sinasadya na. So nakakatakot. Ngayon may trauma na ako na sana walang init ng araw. Iba doon sa LA eh. Sa init ng araw, ‘yung dahon naggaganon, humahangin nagkakaroon ng sunog. Nakakatakot na na-experience mo na rin.”
Suwerte pa rin ang pakiramdam niya na nakaligtas siya sa nasabing massive fires na marami ang winasak na ari-arian at binawian ng buhay.
At kitang-kita pa raw ang epekto nito sa lugar hanggang sa kasalukuyan.
Andaming nagawang sexy films ni Klaudia noon kabilang na ang Torotot, Live Show, Hubad sa Ilalim ng Buwan, Ang Babaeng Putik at iba pa.
- Latest