Zaijian, nagpaka-daring kay Jane!

Pinag-uusapan ngayon sa online world ang trailer ng ng upcoming digital series ng Puregold Channel na Si Sol at si Luna dahil sa ipinakitang steamy love scenes ng dalawang bidang sina Zaijian Jaranilla at Jane Oineza.
Unang ipinalabas ang trailer ng nasabing online series last Friday sa mediacon na ginanap sa World Trade Center. Kasabay rin nito ang Tindahan ni Aling Puring and Sari-Sari Store Convention 2025 event ng Puregold.
Tilian nga ang fans na naroroon nang ipalabas ang eksena at agad din itong nag-trending online dahil first time na napanood si Zaijian sa ganito ka-daring na eksena.
“Yari ka kay Bro,” “lagot ka kay Bro,” at “binata na si Zaijian” ang karamihang komentong mababasa mula sa netizens.
Matatandaang sumikat nang husto si Zaijian bilang child actor sa kanyang pagganap bilang Santino sa 2009 Kapamilya series na May Bukas Pa at hanggang ngayon nga ay nakatatak pa ito sa mga tao pati na rin ang karakter ni “Bro” or Jesus Christ na lagi niyang kausap sa serye.
Kaya naman isang malaking transition para sa aktor ang serye na mula sa pagiging child actor, heto’t sa mature role na siya mapapanood with matching love scenes.
Ayon kay Zaijian, tinanggap niya ang serye at ginawa ang nasabing maselang eksena for the first time dahil bilang isang aktor ay nais din niyang maipakita sa mga manonood ang iba’t ibang roles.
“Thankful ako kung paano n’yo ako nakilala pero gusto ko ring ma-try at ma-experience ‘yung iba’t ibang roles talaga dahil iba ‘yung pakiramdam ‘pag nagaganap ka ng ibang karakter, parang sobrang self-satisfying po niya,” pahayag ni Zaijian.
Kaya naman labis-labis ang pasasalamat niya sa direktor at writer ng series na si Dolly Dulu at sa Puregold Festival Director na si Chris Cahilig dahil siya ang napili para gumanap na Sol sa 13-episode online series na ito.
Aminado ang dating child actor na talagang sobrang kinabahan siya noong bago nila gawin ang naturang eksena.
“Hindi ko talaga akalain na gagawin ko ‘yun. Honestly, ‘nun’g gagawin na namin ‘yung eksena, hindi talaga ako mapakali, ramdam ni direk Doly ‘yung bigat na… sobrang hirap po talaga para sa akin ng eksena. Parang ‘mapu-pull-off ko ba ‘to?’
“Pero ‘yun, dahil sa tulong din ni direk Dolly, ni Ate Jane, sobra akong nadalian sa eksena,” sey ng aktor.
Nang matanong kung nagawa na ba niya ang naturang eksena rin in real life, hindi agad nakasagot si Zaijian at nahihiyang napakamot ng ulo.
“Siguro po, ang masasabi ko lang is marunong po akong humalik,” natatawang sambit niya.
Sa edad niyang 23 ay naranasan na rin naman daw niyang ma-in-love kaya naman nakatulong din daw ito para magampanan ang karakter niyang si Sol.
Nang mahingan naman ng reaksyon si Jane, aniya ay nagtulungan daw sila ni Zaijian sa nasabing eksena.
“Siyempre, teamwork ‘yon. It takes two to tango. So, kailangan sa eksena, siyempre kahit naman may nagawa akong ganu’n before, first time din namin ‘yung gagawin na kami nasa eksena.
“So it’s always siyempre something new. You have to get to know siyempre your co-actor, ‘di ba, and what helps,” sey ng aktres.
“Of course, andu’n ‘yung alalay kasi siyempre, first time ni Zaijian. And nandu’n naman kami ni Direk Dolly as professionals. So, nabantayan naman ‘yung eksena ‘tsaka, ‘yung nga, everything was professional,” dagdag pa no Jane.
Very thankful naman si Zaijian kay Jane sa ginawang pagsuporta sa kanya para magawa niya rin ang eksena.
When asked kung good kisser ba si Zaijian, napatawa nang malakas si Jane at aniya, panoorin na lang daw ‘yung episode.
Ang Si Sol at si Luna ay kuwento ng 18-year-old film student na si Sol (Zaijian) at ng 30-year-old woman na si Luna (Jane), na ipinagluluksa naman ang pagpanaw ng kanyang fiancé (Vaughn Piczon).
Mapapanood ang first episode ng serye sa May 31 sa Puregold Channel sa YouTube with a new episode to be released every Saturday thereafter.
Kasama rin sa serye sina Joao Constancia, Uzziel Delamide, Lyle Viray, Jem Manicad, Marnie Lapus and the break-out star Atasha Franco.
- Latest