Lorna rest muna sa teleserye, natutulog na lang ‘pag nagugutom

Pa-abroad-abroad muna ngayon si Lorna Tolentino.
Pagkatapos na mamatay ang character niya sa FPJ’s Ang Batang Quiapo, tinotodo ng aktres ang pag-e-enjoy sa buhay.
“Enjoy life, oo naman. Wala nga akong ibang ginawa kundi mag-travel ngayong taon na ito after ng Batang Quiapo,” chika niya sa amin two days ago nang maka-lunch namin siya nina Nay Lolit Solis, Gorgy Rula, Leo Espinosa and Pat-P Daza.
Paliwanag niya pa : “Kasi nakakabigla pero parang ‘pag alam mo naman na... ‘Yung iba okay na kasi mahaba naman na ‘yung time mo. Parang ‘pag nasa 70 ka na, ito si nanay (Lolit). Uy ‘pag nasa 70 ka na, matanda ka na, parang ganon, ‘di ba?” ang parang gusto niyang tukuyin ang sunud-sunod na pagpanaw ngayon sa showbiz.
Kaya kuwento pa ng mahusay na actress, binabawi niya ‘yung oras na busy siya. “Isang Korea, dalawang Japan, tapos U.S. Nagstart nung January lang ah. Tuluy-tuloy na.”
Bukod pa ito sa biyahe niya sa Spain nang samahan niya ang apong si Tori na sumali sa choral competition.
Ngayon din niya na-appreciate ang lock-in taping na naging sistema noong pandemic.
“Alam mo mas nag-enjoy pala ako sa lock-in. Kasi ‘pag lock-in lahat alam ninyo, naplano na. Parang nakita ko ‘yung difference na bumalik na naman sa dati ‘yung Batang Quiapo. Maghihintay ka na naman ng schedule, kelan ba ganyan... Hindi katulad nung naka lock-in alam mo na itong linggong ito tatlong araw. Umaabot minsan ng one month wala akong taping (nung ‘di na lock-in). So parang naghihintay ka lang. Eh hindi ka naman pwedeng gumawa ng kahit na ano,” pagkukumpara ng aktres sa naging karanasan niya sa taping noong pandemic at ngayong bumalik na sa normal ang lahat.
“Bale parang two years akong naka lock-in noon.”
Movies ka ba muna? Ayaw mo munang mag-series?
“Movies, kasi naka-commit ako kay Sylvia (Sanchez) ng June-July. Dapat ‘yung kay ate Guy (Nora Aunor) nga, May ‘yun. Itong May dapat ang start. Sabi ni Direk (Adolf Alix) kasi ‘pag may schedule na sasabihin na lang niya sa akin. Wala naman, hindi niya pa nabigay kasi nga siguro alam niya ‘yung kay ate Guy,” sabi niya.
So naudlot ‘yun? Pero willing ka pa ring gawin ‘yun?
“Oo naman. Maganda naman istorya dahil bago, kakaiba for me.” Starring din sana sa pelikula si Gina Alajar.
Na sayang, ‘yun sana ang pagsasama ninyo ulit ni Ate Guy?
“Ayun talaga na magkaeksena kami. Kasi ‘yung una, Mga Uod at Rosas magkaeksena kami sa isang scene pero kumbaga lasing si Johny Delgado, pinupunasan niya and then pagmulat niya ako ang nakita niya. So, siya muna sa action 1 tapos ‘yung action 2 ako na ‘yung nakita, ako na ‘yung nagpupunas,” pag-aalala ni Ms. LT sa naunang pelikulang pinagsamahan nila ni Ate Guy na ipinalabas noong 1982.
Hindi pa raw sila masyadong nagkausap noon dahil : “Magkasama kami nu’n, hinintay ko lang. Siya muna tapos ako naman ‘yung sumunod ganon. Nandun lang ako kasi nga continuous siya eh.”
Pero nagkatrabaho sila sa TV, sa TV5. May 13 episodes na kasama ko siya with Eddie Garcia,
Tho aniya nung bata siya, naging malapit siya sa namayapang Superstar at National Artist.
“Nung bata pa ako, oo, pumunta ako sa bahay ni ate Guy, dyan sa Valencia kasi sabi niya, si Ian (de Leon) gusto ka makilala. Bata pa si Ian, siguro mga seven years old. Pati sa mga radio station nagkakasalubong kami,” chika pa sa amin ni Ms. LT.
Anyway, ang payat ngayon ng actress.
Ilang pounds na ‘yung na-lose mo?
“Bale 10 na ngayon as of today.”
Nag-diet ka? “Hindi, siguro gumagana na ‘yung mga gamot. Nag-hypothyroid ako... kay Dr. Roland Angeles. And then, na-discover niya, siguro mga two months na ‘ko nasa kanya, wala talaga. Lahat ng gamot na binibigay niya walang effect. Sabi ko, ‘ano ba ‘yan puro same lang.’ Minsan bababa ng two pounds ganyan pero ‘yung talagang dire-diretso pumayat. Kasi every week dire-diretso na. Naglo-lose ako ng mga one to two pounds. So ngayon, after ko nag-start sa end week of March tapos April ito hanggang ngayon.
Anong mga kinakain mo?
“Kinakain ko lahat. Kaya lang pagdating ng 5-6 ganyan wala na tinutulog ko na lang ‘yung gutom.”
- Latest