Pinoy artist Kulay Labitigan, nilahad ang kuwento ng filipino overseas sa isang art exhibit

MANILA, Philippines — Tuloy ang pagsuporta ng British Council sa paglago ng Filipino art scene sa pamamagitan ni Carl Irving “Kulay” Labitigan kung saan tampok ang likha nitong tinawag na 7,642nd Island sa LAKBAY: Voyages into the Absolute ni Nena Saguil.
Ang LAKBAY ay isang group exhibition na inorganisa ni Marika Constantino na nagtatampok sa limang Filipino artists nang magkakahiwalay na ginanap noong Feb. 8-12.
Ipinakita ng 7,642nd Island kung paano napanatili ng mga Pilipino ang koneksyon sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng video calls, online messages, at digital interactions, na naglilikha ng tinatawag na “digital archipelago” na nagbubuklod sa mga Pilipino sa buong mundo.
Ang likha ni Labitigan ay nag-aanyaya sa mga audience na magnilay kung ano ang ibig sabihin ng ‘tahanan’ sa digital world natin ngayon. Ito ay isang paalala na saan man tayo pumunta, ang ating kultura, alaala at koneksyon ang nagbubuklod sa atin.
Pinangunahan din niya ang isang artist talk sa gitna ng event upang anyayahan ang mga audience na makita nang malapitan ang kanyang creative process at personal na inspirasyon sa likod ng mga likha niya.
Gawa sa sustainable materials, kabilang ang balikbayan boxes na puno ng makukulay ng shredded paper, nagbigay-parangal si Labitigan sa signature abstract style ni Saguil, na nagpapakita ng pira-piraso ngunit matibay na ugnayan ng mga Pilipino sa buong mundo.
Higit pa sa exhibition, ang Lakbay ni Saguil ay isang pagdiriwang sa identity, migration, at creativity ng mga Pilipino na nagbibigay-diin sa mga karanasan ng paggalaw, pakikibagay at pag-aari.
Naging possible ang exhibition sa pamamagitan ng kolaborasyon sa pagitan ng Art House, Nena Saguil Foundation, at ng Department of Tourism Philippines, kasama ng British Council na sumusuporta sa partisipasyon ni Labitigan.
Binibigyang-diin ng partnership na ito ang misyon ng British Council na maglikha ng mas maraming oportunidad para sa Filipino artists upang paunlarin ang lawak at epekto ng mga ito sa buong mundo.
- Latest