Marian, hindi natatanggal sa global 10 ng Netflix

MANILA, Philippines — Nanatiling nasa listahan ng Global 10 in its second week ang pelikulang Balota ni Marian Rivera. At as of this writing, may 2.4 million views na ito ayon sa Netflix na ipinost ni Marian sa kanyang Instagram story.
Ang dami ngang nagkakainteres sa nasabing pelikula ni Marian lalo na at nag-umpisa na ang kampanya para sa midterm elections.
Dapat nga namang maging matalino sa pagboto sa May 12.
Derek, nagmamalinis?!
Tuloy ang pamba-bash kay Derek Ramsay sa pagtatanggol niya sa kaibigang nadawit sa kontrobersya nina Andi Eigenman and Philmar Alipayo.
Akala mo naman daw kasi ay napaka-perpekto ni Derek sa kanyang buhay samantalang meron din naman daw siyang mga maling ginawa noon.
At ang payo sa kanya, tigilan ang pakikisawsaw.
Wala pa ring sagot as of this writing si Andi kay Derek na todo ang pagtatanggol kay Pernilla Sjoo.
Nag-post lang si Andi kahapon ng “Not to overshare, but I was ecstatic that my grandparents finally got to come visit Siargao all the way from the States, after 7 years of me living here. With my sissy @stevieeigengirl and my city girl @ellie_ejercito, no less!?”
7 bagong Valentine’s anthems, handog ng mga Kapamilya
Handog ng Kapamilya artists na sina Cianne Dominguez, Jade Riccio, Jericho Streegan, Lyka Estrella, Marlo Mortel, Ron Solis, at Sheryn Regis ang kanilang Valentine’s offering na sumasalamin sa iba’t ibang kwento at pagsubok sa pag-ibig.
Nagbabalik sa music scene ang Crystal Voice of Asia na si Sheryn hatid ang comeback single na Pangalawa. Ang bagong Star Music release ay mula sa komposisyon ni Sheryn at N. Arnel De Pano na tumatalakay sa pagiging second choice sa isang relasyon.
Love confession naman ang ibinahagi ng It’s Showtime host na si Cianne sa bagong awitin na Shot Puno na mapapakinggan simula Peb. 14 (Biyernes). Tungkol ito sa pag-asang mabibigyang pansin ang iniibig ng puso.
Samantala, paghihintay sa tamang tao ang ibinida ng award-winning vocal coach at dating Pilipinas Got Talent season 5 contestant na si Jade sa kanyang single na Kailan Kaya. Iprinodyus at isinulat ito ni Jade kasama sina Gabriel Frias at Cholo na nakikisimpatiya sa alinlangan ng mga tao pag dating sa pag-ibig.
Mala-love at first sight naman ang naging mensahe ng Tarsier Records artist na si Jericho Streegan sa Unsa’y Gibati. Sa Tagalog-Cebuano na kanta, ikinuwento ni Jericho ang atraksyon na nararamdaman niya para sa espesyal na taong nais niyang makilala.
Pumapag-ibig din ang Tawag ng Tanghalan season 6 winner na si Lyka Estrella sa bagong kanta na Hayy Langga na mapapakinggan sa Valentine’s day. Proud na ipinakita ni Lyka ang pagiging tubong Gensan sa awitin na pinaghalong Tagalog at Bisaya. Tungkol ito sa saya na dala kapag kasama ang taong iniibig. Isinulat niya ito kasama si ABS-CBN Music operations at creative head Jonathan Manalo.
Unti-unting pagkawala ng pagmamahal ang naging mensahe ni Marlo Mortel at Krissee Mallari sa kanilang collab na Manhid. Sinulat nila ang pop R&B duet para sa mga taong hindi na masaya sa kanilang relasyon.
Full of love naman ang mensahe ng New York City at Rio de Janeiro-based singer-songwriter na si Ron Solis sa bagong kanta na You. Ayon kay Ron, sinulat niya ang awitin mula sa karanasan niya sa pag-ibig at kung paano nagiging unibersal na wika ang pag-ibig para sa taong minamahal, sa pamilya’t kaibigan, at maging sa sarili.
Araw ng pag-ibig ngayon at ito talaga ang kantang sakto sa mga nagtitipid lang at ayaw makipagsiksikan sa rami ng mga magdi-date.
- Latest