Ken, hinahabol sa P30M ng mga kasosyo?!
Ilang araw nang pinag-uusapan si Ken Chan. Nagsimula lang ang kontrobersya sa isang blind item na sinasabing may isang male star na umalis sa isang programa upang magtago at iwasan na maaresto dahil sa mga reklamong isinampa laban sa kanya.
Hindi maliwanag kung sino at kung anong napakalaking kaso kaya kailangan siyang magtago sa abroad.
‘Di nagtagal lumabas na si Ken Chan pala iyon, kasi hinahabol na diumano ito ng taong nagtiwala sa kanya ng P30 milyon para sa isang negosyo na hindi na niya naisauli. Iyon pala, noong panahon ng pandemya at wala halos trabaho ang mga artista, nag-isip si Ken ng mga negosyo at isa nga sa naisip niya ay isang restaurant at gasoline station. Pero mukhang minalas dahil nalugi ang restaurant at kailangan niyang isara ang ibang gasoline station. Ngayon, ang taong nagtiwala sa kanya ng P30 milyon ay gustong mabawi ang pera nila.
Ang dapat sanang gawin diyan, kumuha siya ng abogado, patunayan niyang nalugi ang negosyong kanyang binuksan. Maaaring hindi niya maibalik ang pera agad.
Talagang ganoon ang negosyo kung minsan, nalulugi ka pero hindi mo dapat pagtaguan ang mga taong naistorbo mo na dapat alam ni Ken.
Juday, ayaw maghintay
Nagsimula na pala ng shooting si Judy Ann Santos noong kanyang horror movie na gagawin sa ilalim ni direk Chito Roño. Noon pa pala ang usapan nila sa pelikulang iyan at natuloy na.
Noon kasi gusto nilang i-work out na magkasama sa pelikulang ‘yan si Ate Vi (Vilma Santos) at si Juday, kaso nagkaroon naman ng sunud-sunod na conflict sa schedule, tapos natanguan naman ni Ate Vi ang pelikula niya sa Mentorque sa ilalim nina direktor na sina Dan Villegas at Antoinette Jadaone, kaya iyon ang uunahin niya.
Eh ito namang horror flick ni direk Chito, isinumite na nila iyan sa Metro Manila Film Festival, at kailangang makahabol sa deadline. Eh kung hihintayin nila si Ate Vi baka sa susunod na taon na sila makasali.
Kaya nagdesisyon na silang kunin si Lorna Tolentino. Magaling din naman si Lorna, at matagal nang hindi napapanood kaya sabik ang tao sa kanya.
Kapuso, ‘di naghahanap ng mga bagong artista
Nagpalabas ng announcement ang Sparkle. Hindi raw totoo na may executives ang kumpanya o mga kinatawan nito na nagre-recruit ng mga baguhang artista gamit ang internet. Sinabi rin nilang wala silang pinapupunta sa GMA 7 para mag-audition at binigyang diin nila na walang tauhan ang GMA na kukumbinsi sa mga aplikante na maghubad sa litrato o sa video.
Marami na kasing makikita sa internet na nagsasabing may audition sila para sa mga baguhan, basta sinagot mo ang kanilang announcement, ang iba ay naniningil pa para sa workshop diumano. May iba namang humihingi ng mga nude photos at videos dahil bahagi raw iyon ng audition.
Natural na mag-ingat na ang GMA 7 sa ganyan dahil nagagamit ang pangalan ng kanilang network at talent arm ng mga nagsasamantala sa mga baguhang walang alam.
- Latest