^

Pang Movies

Carlos, may sinusunod nang protocol

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa
Carlos, may sinusunod nang protocol

Parang parada ng Metro Manila Film Festival ang dami ng taong sumalubong sa parada ng mga atletang Pilipino na nagbalik mula sa Paris Olympics sa pangunguna ng two time gold medalist na si Carlos Yulo.

Tiyak na dahil sa nagawa ni Carlos Yulo, maraming mga kabataan din ang inspirado at nagkaroon ng hilig sa gymnastics, nakita nilang doon pala ay malaki ang pag-asa ng Pilipinas kahit na sa Olympics.

Pero may mga usapan din sa likod ng matagumpay na parada at pagsalubong. Diumano nakatanggap ng text message ang tatay ni Yulo na hindi na sila dapat sumalubong pa sa airport, na sinabi rin naman ng lolo niya sa media.

Hindi naman sa winawalang bahala ang pamilya ni Yulo, pero dahil sa kanyang panalo at sa kanyang status sa ngayon, may sinusunod nang mga bagong protocol. Sa kanyang pagdating ay official function na muna, ibig sabihin haharap muna sila sa Pangulo ng Pilipinas, sa mga matataas na opisyal ng gobyerno, sa kanilang sponsors, sa media, at pagkatapos noon ay saka lamang sila makakauwi sa kanilang pamilya kung gugustuhin nila.

Ang ama ng Carlos ay nakita rin sa crowd ng mga tao malapit sa kanilang lugar para saksihan ang paradang nagbibigay parangal sa mga atleta kabilang na ang kanyang anak. Nang makita ni Yulo ang ama, siya ay sumaludo at pagkatapos ay nagpadala ng mensahe na magkikita sila agad pagkatapos ng mga official function na kailangan niyang harapin. Hindi naiintindihan iyan ng iba pero mayroon nang sinusunod na protocol para sa mga ganyang personalidad at hindi pagwawalang bahala iyon sa kanilang pamilya.

Malaki ang ipagbabago ng takbo ng kanyang buhay matapos na manalo sa Olympics, at kailangan niyang mag-adjust sa pagbabagong iyon.

Mga suspect sa panghahalay kay Sandro, scripted daw

Talaga ngang magkakaroon ng anxiety si Richard Dode Cruz matapos na humarap sa senado, lalo na’t nang lumabas na sa kanilang isang executive session, sinasabi na ang mga senador na sina Robin Padilla, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Bato dela Rosa at Grace Poe ay naniniwalang may matibay na dahilan para ang dalawang suspect ay sampahan nga ng kaso sa korte.

Hindi rin naging impressive ang paglalahad nila ng testimonya sa ginawang public hearing dahil sa halip na gumawa ng sarili nilang salaysay ay binasa lamang nila ang isang prepared statement na walang dudang ginawa ng kanilang abogado.

Sinabi naman ng kinatawan ng NBI na anumang oras sa linggong ito ay matatapos na nila ang pag-aaral sa mga ebidensiyang nasa kanila at posibleng makapagsampa na sila ng kaso sa korte sa susunod na linggo, kung sapat nga ang ebidensiya laban sa mga suspect.

Mother Lily, pinarangalan ng Mowelfund

Sa pamamagitan ng kanilang chairman of the board na si Boots Anson Rodrigo ay ipinaabot ng Movie Workers’ Welfare Foundation o Mowelfund, ang kanilang lubos na pasasalamat at pagkilala sa mga nagawa para sa industriya ni Mother Lily Monteverde bilang isang film producer. Sinasabi nilang ang kanyang pagpo-produce ng mara­ming pelikula ay nakatulong upang magkaroon ng palagiang hanapbuhay ang mga manggagawa sa pelikula.

Bukod doon may panahon pa raw na mismong si Mother pa ang pumunta sa opisina ng Mowelfund para magbigay ng kalahating milyong piso, at minsan din sa kanyang birthday celebration ay nagbigay si Mother ng isang milyong piso para sa Mowelfund, na sinasabi nilang naging isang malaking tulong sa kanilang pagbibigay ng ayuda sa mga manggagawang may sakit.

Sinasabi nilang kasabay ng pagkilalang ipinagkakaloob nila kay Mother Lily ay kasama rin ang kanilang pangako na pagbubutihin pa ang suporta sa mga kasaping may sakit at ang pagpapalawak pa ng scholarship na kanilang ginagawa sa ilalim ng Mowelfund Film Institute kung saan hinuhubog naman nila ang mga bagong filmmaker.

vuukle comment

CARLOS YULO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with