^

Pang Movies

Dominic Roco, hinihintay ang paliwanag  

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa

Nagulat kami sa balitang nagkaroon daw ng isang buy-bust operations sa isang townhouse sa Quezon City kung saan nahuli ang limang tao, kabilang nga ang actor na si Dominic Roco, anak ng actor na si Bembol. Hindi na masyadong aktibo si Dominic, kagaya ng kapatid niyang si Felix na marami pang ginagawang pelikula, pero tahimik din naman ang buhay ng batang iyan, kaya magugulat ka sa kuwento.

Naglabasan kabilang na ang kanilang pictures na nasa harap nila ang 15 gramo ng sinasabing shabu, at 10 gramo ng sinasabing marijuana na nahuli sa kanila. Pero pagkatapos lang ng ilang oras, nawala na ang mga balita.

Maaaring may dahilan, kasi noon pa man sinabihan na ang pulisya na huwag ihaharap sa media ang suspects pa lamang, kagaya ng nakagawian noon na basta may huli may news conference agad, kasi sinasabi nga nila, iyong mga nahuli ay suspects pa lamang at hanggang hindi napapatunayan sa hukuman ang kanilang kasalanan, mananatili nga silang suspects lamang at inosente pa sa mata ng batas.

Wala namang ibang detalyeng ibinigay tungkol sa buy-bust operations, ni hindi sinabi kung si Dominic nga ba ay kasama sa target o nagkataon lang na naroroon siya sa bahay na iyon at nadamay, pero dahil siya ang sikat, ang lumabas sa balita ay nahuli na siya kasama ang apat na iba pa.

Palagay namin mas maliliwanagan natin ang lahat oras na magkaroon na ng opisyal na statement tungkol diyan, pero habang wala pa iyon, si Dominic ay mananatiling suspect pa lamang. Hindi siya dapat husgahan.

Ate Vi at Juday, magsasama sa pelikula?!

Hindi pa man malay na magkaroon ng pandemic, pinag-uusapan na ang isang biopic ni Mother Lily Monteverde, hindi lang dahil siya ang producer ng Regal Films, kundi sa totoo lang maganda ang kuwento ng kanyang buhay, lalo na ang kanyang love story at ang pagtatagumpay mula sa pagiging isang maliit na negosyante hanggang sa maabot niya ang kanyang status sa buhay.

Inialok iyan noon pa kay Ate Vi (Vilma Santos), nagustuhan niya pero kailangan niyang tanggihan dahil alam niyang malaki ang demands ng nasabing pelikula. Noon may trabaho pa siya sa Congress, tapos nagkaroon naman ng pandemic, at hindi talaga lumalabas si Ate Vi ng bahay noon.

Noon medyo tumanggi si Ate Vi, ang alam namin nakausap na nila si Judy Ann Santos na willing namang gawin iyon. Kaya nga lang nagkaroon ng pandemic, at ang pelikulang iyan ay malaking proyekto na kailangang ilabas sa mga sinehan para makabawi sa puhunan. Hindi puwede iyan sa live streaming lang, kaya nagkaroon din ng delay.

Ngayon ang alam namin, nakipag-usap na nga ulit si Ate Vi kay direk Erik Matti at Dondon Monteverde pero ibang project naman ang napag-usapan.

Palagay namin iilagan pa rin ni Ate Vi ang biopic dahil alam niyang naialok na iyon at tinanggap na ni Juday dati.

Pero tatlong henerasyon daw na Mother Lily ang ipapakita sa pelikula kaya posibleng pagsamahin ang dalawa.

Female star, biktima ng protocol?!

Nabalita na hindi raw pinapasok sa isang luxury store sa Korea ang isang female star, kaya ang ginawa niya pumasok siya sa ibang luxury store at doon namili ng lahat ng nagustuhan niya. Originally ang plano niya ay isang belt lang ang bibilhin, pero dahil nainsulto rin siguro, nag-splurge siya sa kabilang tindahan.

Pero huwag ninyong mamasamain, ganoon talaga sa Korea eh.

May specialty shops na ang nakakabili lamang ay iyong members nila. At baka membership stores iyon bagama’t ang alam ng karamihan ay ‘di yung membership store at open sa lahat. Hindi dahil gusto nilang mang-insulto ng tao pero talagang ginagawa iyon.

Hindi natin alam ang kuwento pero may ganun talaga, at wala tayong magagawa roon.

DOMINIC ROCO

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with